FILING NG SOCE, WALANG EXTENSION

HINDI na pinalawig pa ng Commission on Elections (Comelec) ang deadline ng pagsusumite ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) para sa mga kumandidato sa katatapos na halalan noong Mayo 9.

Nakasaad sa Comelec Resolution 9991, na inamyendahan ng Resolution 10505, pinal at hindi na puwedeng i-extend ang deadline ng pagsusumite ng SOCE.
Pero exempted dito ang mga nanalong kandidato at partylist groups.

Ayon sa Comelec, ang mga kandidatong nanalo sa halalan pero bigong magsumite ng SOCE ay hindi puwedeng umupo sa pwesto.

May hanggang anim na buwan sila mula nang maiproklama para makapag-file ng SOCE.

Pero sa panahong iyon, mananatiling bakante pansamantala ang kanilang posisyon at kung lalagpas sa anim na buwan, idedeklarang permanente ang vacancy.

Hanggang kahapon, anim na presidential candidates, apat na senatorial candidates, tatlong political parties at 34 na party-list groups pa lamang ang naghain ng kanilang SOCE.

Sa 10 presidential candidates, sina Senator Panfilo Lacson, Dr. Jose Montemayor, President-Elect Bongbong Marcos;

Vice President Leni Robredo, Senador Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno ang nagsumite na ng kanilang SOCE hanggang kahapon.

Nakapagsumite na rin sina vice presidential candidate, Dr. Willie Ong at Sara Duterte-Carpio.

Samantala, sina dating PNP Chief, Gen. Guillermo Eleazar, dating Senator Antonio Trillanes, IV, Atty. Chel Diokno at Senator-Elect Jinggoy Estrada pa lamang ang naghain mula sa 64 na senatorial candidates.

Kabilang naman sa mga political party na nag-file na ng SOCE ang Unido, Partido Federal ng Pilipinas at Pwersa ng Masang Pilipino habang sa party-lists ay ang Abono, Senior Citizens, Anakpawis at Bayan Muna.