UMUSAD ang Philippine national women’s football team sa second round ng AFC Women’s Olympic Qualifying Tournament matapos ang 4-0 panalo kontra Hong Kong sa Hisor Central Stadium sa Tajikistan noong Martes ng gabi.
Sa panalo ay tinapos ng Filipinas ang round na may 3-0 kartada kung saan tinalo rin nila ang Pakistan at Tajikistan habang nagkasya ang Hong Kong sa second na may 2-0-1 win-draw-loss slate.
Tanging ang top team mula sa bawat grupo ang aabante sa susunod na round ng torneo.
Kuminang si Sarina Bolden para sa Filipinas laban sa Hong Kong, kung saan kinamada niya ang unang dalawang goals upang bigyan ang Pilipinas ng commanding 2-0 lead bago nag-ambag si Meryll Serrano ng isa pa sa 44th minute.
Ibinigay ni Quinley Quezada sa World Cup-bound Filipinas ang ika-4 na goal sa kaagahan ng second half.