ISANG kasunduan ang nabuo sa pagitan ng mga top official ng Department of National Defense (DND) at Directorate General ng Armaments and Materiel (DGAM) ng Ministry of Defense of Spain matapos ang kanilang pagbisita sa bansa nitong nakalipas na linggo.
Inihayag ni MGen Felipe De La Plaza, Deputy National Armament Director for International Relations, nakipagtalakayan ang mga kinatawan ng Spain sa Philippine Defense officials para makabuo ng isang Memorandum of Understanding (MOU) on Logistics, Defense Materiel, Armaments and Defense Industry Cooperation sa pagitan ng dalawang bansa.
“The proposed MOU will serve as the legal framework for the DND to procure defense equipment from Spain through Government-to-Government deals pursuant to RA 9184. This is very timely in light of the ongoing implementation of the 2nd Horizon of the Revised AFP Modernization Program (RAFPMP),” ani Assistant Secretary for Acquisition and Logistics Jesus Rey R. Avilla, na nanguna sa delegation ng DND at the Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kaugnay nito ay nagpahayag din ang mga kinatawan ng Spain ng kanilang interes sa pagkakaroon ng collaboration sa mga local defense industry at sinundan ng pagbisita sa ARMSCOR, isang local firearms manufacturing company.
Nabatid na ang Spanish Defense Industries ay aktibong sumasali sa iba’t ibang procurement projects ng AFP sa ilalim ng AFP Modernization Program.
Kabilang dito ang pinakahuling acquisitions ng DND ng tatlong units ng Medium Lift Aircraft (C295) sa Spanish aircraft manufacturer EADS CASA, ngayon ay Airbus para sa Philippine Air Force (PAF) na nagkakahalaga ng P5.29 billion.
Ginagamit ngayon ang mga nasabing cargo aircraft para sa air transport and humanitarian assistance and disaster response (HADR).
Bukod pa rito ang Notice of Award na inisyu nitong Oktubre 16, 2018 sa Airbus kaugnay sa pagbili ng isang unit ng Command and Control Fixed Wing Turbo Prop Aircraft para sa PAF na may contract price na P1.8 bilyon. VERLIN RUIZ
Comments are closed.