FILIPINAS BINIYAYAAN NG ARATILES NA MAAARING GAMOT SA DIABETES

ARATILES

(ni NENET L. VILLAFANIA)

‘YUNG scarlet berry na tinatapon-tapon lamang natin at nakikita kahit saan ay mahalaga pala para sa mga taong may diabetes.

Ito ang nadiskubre ng isang Grade 11 student na kamakailan lamang ay lumaban sa Arizona, USA para sa Intel International Science and Engineering Fair.

Si Maria Isabel Layson, mula sa probinsiya ng Iloilo, ay nakadiskubre at iprinisinta sa kompetisyon, na posibleng gamot sa diabetes ang aratiles.

Batay sa pananaliksik ni Layson, ang aratiles ay may taglay na medicinal properties na may potensyal na ma­ging regulator ng diabetes. Sa madaling sabi, hindi lamang ang insulin plant ang nakalulunas sa diabetes kundi aratiles din. Mura na, masarap pa.

Taglay raw ng aratiles ang bioactive compounds tulad ng anthocyanin, flavonoid at polyphenol na makatutulong upang malunasan ang diabetes, na matatagpuan din sa insulin plant. At siyempre pa, dahil prutas ito, mayaman din ito sa antioxidants na kailangan ng ating katawan para mailabas ang naipong toxins dahil sa mga kinain nating may halong preservatives.

Hindi pa masyadong sigurado na makagagamot nga sa diabetes ang aratiles, ngunit malaki ang posibilidad na makatutulong ito, batay na rin sa pag-aaral ng mga dalub­hasa. Hindi man nanalo ang kanyang discovery, makatutulong naman ito sa mga may sakit na diabetes sa bansa, at maaaring sa buong mundo na rin.

Napakasuwerte ng Filipinas dahil biniyayaan tayo ng mga prutas at halamang gamot na nakagagamot sa mga karamdamang sinukuan na ng mga doktor.

Sa kasalukuyan, sa hindi malamang dahilan, ay patuloy na dumarami ang bilang ng mga Filipinong may diabetes. Sa katunayan, sa bawat 100 na kakilala natin ay hindi maaaring wala kahit isang may sakit na diabetes.

Noong 2014, umabot sa 3.3 milyong Filipino ang naitalang may ganitong sakit, at iyon ay ang mga naitala pa lamang, dahil marami pa ang in denial na ayaw kumonsulta sa doktor.

Ayon sa Philippine College of Physicians, posibleng umabot sa 7.8 milyon ang bilang ng mga  Pinoy na may diabetes sa 2030, kung hindi ito maaagapan. Sa ngayon ay pang-siyam na ang Filipinas sa may pinakamaraming may diabetes sa buong mundo.

Ang masama pa nito, bukod sa namamana ang sakit na ito, maaari rin itong ma-acquire kung hindi maayos ang diet.

Gayunman, puwe­de itong maiwasan sa pamamagitan ng pagkain ng mga masustansiyang pagkain at pag-eehersisyo. Ayon sa mga doktor, hindi lamang ang mga history ng diabetes sa pamilya ang puwedeng magkaroon nito kundi tayong lahat. Mas prone lamang umano ang may history nito.

Masuwerteng nadiskubre ni Layson ang aratiles bilang sagot sa isa sa mga sakit na nagpapahirap sa mga Filipino.

Maliban sa pagpapababa ng blood sugar, marami pang benepisyong maibibigay ang aratiles sa ating katawan. Mayaman ito sa vitamin C na panlaban sa ubo at sipon at nagpapalakas ng immune system. Pati dahon nito ay nagagawang tsaa na may taglay na nitric acid na nakare-relax ng blood vessels. Kung maayos ang daloy ng dugo, maiiwasan din ang sakit sa puso.

Kung mayroon kayong blender o juicer, makatutulong ang aratiles juice na pagalingin ang ulcer dahil anti-inflammatory properties ito. Hindi na rin kailangan ang commercial medicine para magamot ang heartburn, stomach ulcers, at gastroesophageal reflux disease dahil ni-neutralize nito ang acid sa tiyan.

Bukod sa anti-inflammatory properties na taglay ng aratiles, mayroon din itong antibiotic properties na panlaban sa bacteria at viruses na katulad ng sa bayabas.

Kaya may diabetes man o wala, malaki ang naitutulong nito sa ating katawan. (photos mula sa sciencetimes.com,  avrotor.blogspot.com at instazu.com)