SINGAPORE – Kilala ang Filipino bilang isa sa pinakamabait at hindi supladong tao sa buong mundo. Natatandaan ko pa na ang tawag sa atin ay “Philippines: Where Asia wears a smile”. Dahil ito ang pagsasalarawan ng mga dayuhan sa mga Filipino. Palagi tayong nakangiti.
Subalit sa pinakahuling ulat ng Charities Aid Foundation (CAF) na nakabase sa Britain, ang Filipinas ay nalagay sa ika-89 sa buong mundo na mapagkawanggawa at mapagbigay. Ang Indonesia ang nanguna sa nasabing ulat. Ikalawa ang Australia at New Zealand ang ikatlo.
Ayon sa hepe ng CAF na si Sir John Low, ang pagraranggo sa nasabing ulat ay base sa pagtukoy sa ginawa nilang survey sa halos lahat ng bansa sa buong mundo. Ang tanong ay kung nakagawa na ba ng boluntaryong pagtulong sa isang estranghero o nag-donate ng tulong o pera sa isang charitable institution.
144 na bansa ang kasama sa nasabing ulat. Ang Singapore ay ika-7. Malaki ang itinalon o pag-angat ng Singapore na nasa ika-64 limang taon ng nakaraan. Samantala, ang United Kingdom ay ika-6 at ang Estados Unidos ay nasa ika-4. Ang Kenya na nasa Africa ay nagtala sa ika-8 at ang Bahrain ay ika-10.
Nakapagtataka at nakalulungkot lamang na ang ating bansa ay nasa ika-89. Ang ibig sabihin ba nito ay hindi tayo masyadong aktibo sa pagbibigay tulong sa ating kapuwa? Ang ugali ba natin sa pagmamaneho na hindi marunong magbigay o pasaway sa batas trapiko ay sumasalamin sa ranggo natin sa nasabing ulat ng CAF?
Ang mga pagtulong ba natin noong panahon ng kalamidad tulad ng mga bagyong ‘Ondoy’, ‘Yolanda’, ‘Ompong’ at ang katatapos lang na si ‘Rosita’ at iba pang mga sakuna na nangyari sa ating bansa ay hindi masyadong taos-puso?! Hindi ba’t maraming dumagsa na tulong sa mga biktima ng Yolanda na hindi umabot sa kanila? Sa katunayan, kamakalian lamang ay sinunog ang mga nabulok na pagkain para sa mga biktima ng Yolanda na hindi na-distribute ilang taon na ang nakararaan.
Ang bansang Mynamar, na bagama’t dumaan din sa kontrobersiyal na pamumuno ng batas militar ilang dekada ang nakalipas ay dating nangunguna sa ulat ng CAF. Subalit ngayong taon ay bumagsak sila sa ika-9 na marahil daw ay sa isyu ng paglabag ng karapatan pantao sa tribung minorya nila. Ang Rohingya.
Ang bansang Yemen, na ngayon ay nababalot ng civil war ay pumuwesto bilang kulelat sa mapagbigay at mapagkawanggawang bansa. Sinundan sila ng Palestine na ika-141.
Ang China, na sinasabing malaki ang itinutulong sa ating bansa ay ika-142 at ang Greece ay nasa ika-143.
Comments are closed.