KAYA naman pala marahil marami sa atin ay mahirap tanggapin ang ano mang paliwanag ng ating gobyerno at pribadong sektor tungkol sa sitwasyon ng ating ekonomiya at pag-intindi ng mga alituntunin ng ating mga batas. Ayon sa 2018 na ulat ng Programme for International Student Assessment (PISA) mula sa Organization for Economic Cooperation and Development (OECD), ang Filipinas ay isa sa pinakamababa sa student assessment sa isinagawa nilang pag-aaral sa mahigit na 79 na bansa sa buong mundo.
Ang Filipinas ang nasa ika-79 na puwesto sa larangan ng pagbabasa at pag-unawa. May average raw ang mga estudyante natin na 340 points kung pagbabasehan ang average rating sa ilalim ng OECD na 487 points.
Ayon sa PISA, ang reading literacy ay batay sa “understanding, using, evaluating, reflecting on and engaging with texts in order to achieve one’s goals, to develop one’s knowledge and potential, and to participate in society.”
Samantala, sa larangan ng mathematics at science, mababa rin ang ranggo ng ating mga estudyante na may 353 points sa mathematics at 357 points naman sa science laban sa average ng OECD na 489 points. Ito raw ang kauna-unahan na isinama ang ating bansa sa nasabing pag-sasaliksik.
Maaring ang pag-aaral na ito ay sumasalamin lamang sa ilang dekada na pagbaba ng kalidad ng edukasyon sa ating bansa. Marami sa atin ang hindi marunong umintindi at unawain ang ating mga batas. Marami ang pasaway. Marami sa atin ay mali ang pag-unawa sa batas trapiko, sa pagbayad ng tamang buwis, sa pagsunod sa mga simpleng alituntunin laban sa COVID-19 upang hindi kumalat ang nasabing sakit. Maliban pa rito ay ang isyu sa mataas na singil ng koryente at iba pang mga bayarin na natengga dulot ng ECQ.
Ang isyu ng bill shock ay hindi mawala-wala. Kahit na anong paliwanag ng Meralco kung bakit tumaas ang singil sa konsumo ng ating koryente ay hindi katanggap-tanggap sa karamihan ng ating kababayan.
Hindi lamang Meralco ang may ganitong suliranin. Pati na ang mga electric cooperatives at iba pang distribution utilities sa labas ng prang-kisang hawak ng Meralco, ay inuulan din ng batikos mula sa kanilang customers dahil sa mataas na bayarin sa koryente.
Hindi kayang tanggapin at unawain ng ating mga mamamayan na pinagbasehan ang konsumo natin sa numero na lumabas sa ating mga kuntador. Walang mga meter reader na lumabas upang basahin ang ating mga metro noong panahon ng ECQ kaya nagsagawa ang mga distribution utilities at electric cooperatives na tinatawag na ‘estimated meter reading’. Ang isyu ng ‘estimated meter reading’ na isinagawa ng Meralco, electric cooperatives at iba pang mga distribution utilities ayon sa regulation na inaprubahan ng ERC na siyang nagbabantay bilang regulator sa industriya ng enerhiya. Itong buwan ng Mayo, nakapagsagawa ng meter reading sa ating mga kuntador. Kaya ang kanilang computer system ay may wastong numero na sa basehan ng ating kinunsumo sa koryente. Kapag may sumaway o lumabag na pribadong sektor sa ano mang alituntunin sa kalakaran ng enerhiya, ang ERC ay magsasagawa ng imbestigasyon at magpapataw ng desisyon sa mga ito.
Ngayon naman, ang isyu ay pumupunta sa bayarin sa tubig. Kukuyugin naman ng taumbayan ang Manila Water at Maynilad sa taas na bayaring tubig. Unawain po natin na umabot ng mahigit na tatlong buwan na hindi tayo nakapagbayad ng ating mga buwanang obligasyon. Naipon po ang mga ito. Hindi ‘mina-magic’ ang numero na pinagbabatayan ng mga pribadong utility companies natin. May mga sangay ng ahensiya ng gobyerno upang tumitingin sa mga ito.
Hindi pa huli ang lahat. Ang ilang dekadang pagbaba ng kalidad ng edukasyon ay dapat pagtuunan mabuti ng ating pamahalaan upang manumbalik ang galing natin sa mathematics, science at reading comprehension.
Comments are closed.