NAGBABALA si Pangulong Rodrigo Duterte na mananatiling nasa hulihan ang Filipinas sa hanay ng mga bansa sa Southeast Asia kung hindi masasawata ang katiwalian at hindi mapananatili ang kaayusan at katahimikan ng bansa.
Sa kanyang talumpati sa Mandaue City noong Huwebes, sinabi ng Pangulong Duterte na halos pumapangalawa na ang Filipinas kasunod ng Japan kung pag-unlad lamang ang pag-uusapan hanggang sa magpatuloy na bumulusok sa baba.
“Many years from now or a few years from now, or maybe a year after, if we cannot stop graft and corruption and cannot maintain law and order in this country, Philippines should never reach the level of economic progress enjoyed by Malaysia and Indonesia on the present level,” sabi ng Pangulo.
Ayon pa sa Pangulo, posibleng abutin pa ng mula 10 taon hanggang 15 taon o maaaring humigit pa bago pa muling makahabol ang bansa sa inaasam na kaunlaran.
Ito aniya ang dahilan kung bakit sineryoso ng kanyang administrasyon ang pagresolba sa mga problemang kinakaharap ng bansa partikular ang katiwalian at kriminalidad.
Mula nang maluklok bilang Pangulo ng bansa ay nagdeklara ang Punong Ehekutibo ng malawakang kampanya kontra ilegal na droga na mahigpit namang binabatikos ng mga kritiko ng administrasyon dahil sa anila’y napakaraming bilang ng mga namamatay na hinihinalang pawang mga biktima ng extra judicial killings.
Base sa opisyal na datos ng Philippine National Police ay mahigit 4,000 indibiduwal na ang namamatay bunsod ng anti-drug operations ng gobyerno.
Sa kampanya naman laban sa katiwalian ay marami na ring nasibak na opisyal si Pangulong Duterte kabilang na ang ilang miyembro ng kanyang gabinete na umano’y sangkot sa katiwalian. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.