AGAD na mahaharap sa matinding hamon ang Philippine women’s football team sa 32nd Southeast Asian (SEA) Games sa Cambodia sa May 5-17.
Ang Filipinas ay napunta sa Group A, kung saan makakasagupa nila ang mismong three-time defending champion Vietnam, na nagwagi ng gold medal sa bawat edisyon magmula noong 2017.
Bukod sa Vietnam, kasama rin ng Pilipinas ang Myanmar, Malaysia, at Indonesia sa group stage.
Sa Group B ay magkakasama naman ang host Cambodia, Thailand, Singapore, at Laos.
Target ng FIlipinas na mahigitan ang bronze medal finish sa Vietnam edition, kung saan pumangalawa sila sa group stage sa likod ng Vietnam na may 1-0-1win-draw-loss card. Ang mga Pinay ay yumuko sa Thailand sa semifinals bago naitakas ang 2-1 panalo kontra Myanmar sa duelo para sa third upang kunin ang medalya.
Magmula noon, ang Filipinas ay nagtamo ng mas malalaking tagumpay, partikular ang pagwawagi ng AFF Women’s Championship sa Manila noong nakaraang July, kung saan pinataob nila ang powerhouse Vietnam sa semis at ang Thailand sa championship round.
Pasok na rin ang Filipinas, umakyat sa no. 49 sa world rankings kamakailan, sa 2023 FIFA World Cup sa unang pagkakataon.