FILIPINAS MAKAKASAGUPA ANG AUSTRALIA, CHINESE TAIPEI, IRAN SA WOMEN’S FOOTBALL OQT

football-1

MAKAKAHARAP ng Philippine women’s football team ang Australia, Chinese Taipei at Iran sa second round ng 2024 AFC Women’s Olympic qualifying tournament (OQT).

Ang Filipinas ay napunta sa Group A sa isinagawang draw nitong Huwebes sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Gaganapin ang second round ng Olympic qualifiers sa Australia simula October 23 hanggang November 1.

Nakasagupa na ng nationals ang kaparehong mga katunggali sa mga nakalipas na torneo.

Tinalo ni coach Alen Stajcic at ng kanyang tropa ang Chinese Taipei sa penalties sa 2022 AFC Women’s Asian Cup.
Yumuko naman ang Filipinas sa Aussies sa U-23 AFF Women’s Championship noong 2022.

Ginapi rin ng nationals ang Iran sa 2020 AFC Olympic qualifying tournament.

Bago ang Olympic qualifiers, ang Filipinas ay sasabak muna sa Women’s World Cup kung saan ang kanilang group stage games sa New Zealand ay magsisimula sa July 20.