(Filipinas nakikipag-ugnayan na sa US DA) BAKUNA VS ASF IKINAKASA

noel reyes

NAKIKIPAG-USAP na ang Philippine Department of Agriculture (DA) sa US counter- part nito upang makakuha ng mga bakuna kontra African swine fever

“Nakikipag-ugnayan na tayo US Department of Agriculture para mabigyan tayo ng sample ng [ASF] vaccine na tini-testing na sa Vietnam,” wika ni Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes sa panayam sa isang radio news program.

Ayon kay Reyes, maglalaan ng pondo ang DA para sa posibleng bakuna laban sa ASF.

Dahil sa pananalasa ng ASF ay tinatayang nasa mahigit apat na milyong baboy ang kinatay sa bansa, na nagresulta sa kakulangan ng suplay at pagsipa ng presyo ng pork at pork products.

Noong Enero ay tumaas sa hanggang P400 ang presyo ng kada kilo ng baboy sa Metro Manila dahil sa kakulangan sa suplay sanhi ng ASF.

Para mapigilan ang pagtaas ng presyo, na isinisi ng DA sa mga trader at  wholesaler na nagsamantala sa problema sa ASF, nagpalabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng executive order na nagpapatupad ng 60-day price ceiling sa baboy at manok sa Metro Manila.

Sa ilalim ng  EO, ang presyo ng kasim at pigue ay hindi dapat lumagpas sa  P270 kada kilo habang ang price cap ng liempo at dressed chicken ay P300 at P160, ayon sa pagkakasunod.

Comments are closed.