BINATIKOS ng mga senador ang Commission on Higher Education (CHED) dahil sa pagtanggal ng Filipino at Panitikan sa curriculum sa kolehiyo.
Ayon kay Senador Kiko Pangilinan, dapat ibasura ng CHED ang nabanggit na polisiya dahil ang pambansang wika ng alinmang bansa ay dapat ituring na mahalagang kurso sa mga paaralan.
Payo ni Senador Koko Pimentel, ibalik sa core curriculum sa kolehiyo ang ating sariling wika at Panitikan dahil pa marami tayong matututunan dito.
Ikinakahiya naman ni Senador Panfilo Ping Lacson na sa kabila ng pagiging Filipino natin ay maraming mga bata ngayon ang hindi marunong magsalita ng Filipino.
Iginiit naman ni Senador Joel Villanueva, ang wikang Filipino at Panitikan ay napakahalaga sa paghubog ng ating kaisipan bilang Filipino.
Kaya’t mungkahi ng senador, pagigihan at palakasin ang pagtuturo nito sa elementary at high school at pag-isipang mabuti ang curriculum na ipapaloob kung isasabatas ang pagtuturo nito sa kolehiyo upang hindi maging paulit-ulit.
Ipinunto naman ni Senator Chiz Escudero, bagaman dapat iakma sa mga pagbabago sa kasalukuyang panahon ang curriculum ay hindi dapat maging pabigla-bigla ang anumang desisyon at hindi na rin dapat idaan pa sa lehislasyon.
Katwiran naman ni Senador Win Gatchalian, kailangang manatili ang Filipino at Panitikan sa kolehiyo upang hindi mawala ang kaalaman ng mga kabataan sa mas malalim na paggamit nito.
Ani Gatchalian, ang ating wika ay isang mahalagang koneksiyon sa kasaysayan ng ating bansa.
Nauna rito, iginiit ni Senate President Tito Sotto III na ang nabanggit na hakbang ng CHED ay labag sa itinatakda ng konstitusyon na dapat pangunahan ng gobyerno ang pagsusulong sa paggamit ng Filipino sa mga opisyal ng komunikasyon at sa sistema ng ating edukasyon. VICKY CERVALES
Comments are closed.