(ni NAOMI OLEGARIO EBUEN)
BINUBUO ang Filipinas ng kalat-kalat na malalaki at maliliit na pulo na may iba’t ibang wika. Sa kabila nito, nagkaisa ang mga dalubhasa na gamitin ang iisang wika para magkaintindihan at magkaunawaan ang bawat Filipino.
Ang pakikipag-usap sa mga miyembro ng pamilya, kaibigan, at mga taong nakasasalamuha, kilala man sila o hindi ay isang halimbawa ng paggamit ng ating wika. Mas nauunawaan din natin ang paggawa ng takdang aralin, pagsasaliksik at maging ang pagsasalin kung sariling wika ang ginagamit.
Ang wikang Filipino ay mayaman sa salita. Ibinibilang ito na isa sa mga pinakaperpektong wika sa buong mundo. Tulad ng Latin, Ingles at iba pang wikang banyaga. Ang wikang ito ay mayroong mga kahali-halinang salita na sumasalamin sa ating kultura at pambansang pagkakakilanlanan na tayo ay isang bansang malaya. Ang wikang Filipino ay tulad ng pagbabayanihan na sumasalamin sa mabuting adhikain na magkaisa at magtulungan.
Isa ang Wikang Filipino sa mga lengguwaheng mayroong malaking pamilya sa buong mundo.
SAAN PATUNGO ANG WIKANG FILIPINO?
Ngunit saan na patungo ang ating wikang Filipino kung mali-mali ang pagbigkas sa bawat salitang binibitawan ng dila. Kung hindi magkaintindihan ang bawat Filipino, magiging magulo ang ating bayan. Walang pagkakaunawaan kung hindi malinaw ang kumbersasyon.
Hiwa-hiwalay man ang mga isla, iisang wika ang magiging tulay sa isa’t isa. Matutunan nating pagyamanin at pahalagahan ang paggamit sa sariling wika, maging sa pagsulat, at pakikipag-chat sa Facebook, sa pakikipag-text o twitter man. Sa paggamit nito sa pang-araw-araw, mapagyayaman at mahahasa natin ang ating pag-unawa sa wikang sariling atin.
KALULUWA NG ISANG BANSA
Kaluluwa ng isang bansa ang wika. Sumasalamin sa lipunan, maging sa mga tradisyon at kultura na ating nakasanayan. Ito ang nagbubuklod sa damdamin at diwa ng mga mamamayan ng isang bansa. Sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng komunikasyon ang isa’t isa na nagiging tulay upang maipahayag ang mga saloobin tungkol sa isang usapin. At nagpapatatag sa relasyon ng bawat tao.
Ang katutubong wika ay kilala rin bilang inang wika o unang wika. Salitang ginagamit mula kapanganakan hanggang sa malagutan ng hininga. Dahil sa katutubo o wikang bernakular, nagkakaroon tayo ng oportunidad na ipahayag ang opinyon, paniniwala at maging ang sariling diskurso. Nailalahad ang sariling perspektibo, kompirmasyon, damdamin at paniniwala. Naibabahagi ang mga imahinasyon at haraya sa pamamagitan ng pagsusulat ng nobela, tula, kuwento, kanta, sanaysay, dagli, at iba pa.
Nakapagbibigay tayo ng impormasyon sa pamamagitan ng wika. Nagagamit din ang wika bilang isang midyum sa pag-aaral at pagtuturo.
PANITIKAN, PATOTOO SA PAG-UNLAD NG ISANG WIKA
Ang mga pampanitikang gawain ay nakapaglilinang ng kaalaman at kasanayan sa wika. Ang panitikan ang pinakasukdulang patotoo ng pag-unlad ng isang wika. Mayroon ding kontribusyon sa pagbuo ng ating kultura. Gaya ng “Ibong Adarna” ni José de la Cruz, “Florante at Laura” ni Francisco Balagtas, Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Dr. Jose Ri-zal, na ngayo’y kasama sa kurikulum ng DepEd.
Sa pamamagitan ng pagsusulat, naibabahagi ng may-akda ang kanilang karunungan, damdamin at pandama sa bayan, kalikasan at kapwa-tao.
Sa mga nobelang naisulat ni Dr. Jose Rizal, naipakita niya kung gaano kahirap ang buhay noon sa kamay ng mga mananakop na Espanyol. Ang suliranin natin sa mga mapang-api at diskriminasyon noon at hanggang ngayon.
MAYROONG 175 NA WIKA
Nagdaan na ang napakaraming henerasyon, at ang mga katutubong wika ay unti-unting namamatay. Kadalasan sa mga kabataan ngayo’y limitado ang kaalaman at bokabularyo pagdating sa ating wika.
Ang bansang Filipinas ay mayroong 175 na wika, na kung saan ang karamihan ay maituturing na namamatay na wika. Ito ang mga wika na hindi ginagamit sa araw-araw o mga hindi aktibo na wika. Tulad ng isang Tribo sa probinsya ng Capiz, na mayroong wikang tinatawag na ‘Ligbok’ na libong taon na ang tanda. Ito ay isang sinaunang wika ng mga Panay-Bukidnon. Binukot na lamang ang nakaaalam ng wikang Ligbok.
Ang binukot o binukutan, ay piniling pinakamagandang dilag o pinakamatipunong lalaki sa tribo. Pinalalaki sa sariling bahay at bawal ang magtrabaho. May sariling tagasuklay at tagapaglingkod. Pili lamang ang mga pagkakataong puwedeng lumabas. Hindi sila maaaring masugatan o maarawan. Kung sila’y darayo sa ibang lugar, nakasakay sila sa duyan o hamaka na bitbit ng mga tagapagsilbi habang nakatakip ang kanilang mga mukha. Ganito ang pag-iingat sa mga binukot, dahil sa may mahalaga silang papel na ginagampanan sa kanilang tribo. Ito ay ang layuning ibahagi ang kanilang mga epiko (isinasalaysay ng pakanta), awitin, at mga tradisyon sa mga susunod pang mga henerasyon.
Unti-unting namamatay ang mga wikang tulad ng Ligbok.
PAGYAMANIN ANG KAALAMAN AT KAKAYAHAN
Bilang isang miyembro ng lipunan, nararapat na pagyamanin ang kakayahan at kaalaman sa wikang katutubo. Isa rin sa dapat na bigyang pansin ng gobyerno maliban sa kahirapan ang Wikang Filipino.
Isa sa mga nakababahalang bagay ang pagtatanggal ng mga asignaturang Filipino sa kolehiyo, na magiging isa sa mga dahilan ng tuluyang pagkawala ng ating katutubong wika.
Sapagkat ang wika ang pinakakaluluwa ng ating bayan, na bumubuo sa ating kultura at sining, dapat pang palawakin ang paghihikayat sa paggamit ng katutubong wika, ng mga organisasyon tulad ng Kapisanan ng mga Propesor sa Filipino (KAPFIL) na nagsasagawa ng mga seminar tungkol sa wika, Samahan ng mga Edukador sa Filipino (SEDFIL), Pandayan ng Literaturang Pilipino (PANDAYLIPI), Pambansang Samahan sa Wika (PSW), Sanggunian ng Wika sa Pambansang Pagpapaunlad (SANGWIKA), Pambansang Samahan sa Linggwistikang Filipino (PSLF), Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), at iba pa.
Huwag nating hayaan na mabaon ang Wikang Filipino sa ating mga alaala. Gamitin, pagyamanin, pahalagahan at alagaan ang mga katutubong wika para sa mga susunod na henerasyon. Sabi nga at ayon kay Constantino, isang dalubwika, “Ang wika ang magsisilbing daan upang magpahayag ng damdamin at katotohanan”. Inilarawan din niya ang wika bilang “kasangkapan ng ating kultura, pulitika at ekonomiya”, at mabisa raw ito sa pagpapakilos ng mga tao upang hubugin ang tama at mali.
At marahil, aminin man natin sa hindi, wala nang iba pang tao ang magmamahal at magmamalasakit sa ating wika, maliban sa ating mga Filipino.
oOo
(Si Naomi Olegario Ebuen ay Grade 10 sa Sen. Renato “Compañero” Cayetano Memorial Science and Technology High School.)
Comments are closed.