Bilang isang mag-aaral, ang asignaturang Filipino ay hindi lamang nakatutulong sa aking paglago at pag-unlad. Ito rin ay nagiging daan upang mas mapalawak ko ang aking kaisipan at pagkaunawa.
Sa pamamagitan ng pag-aaral ng asignaturang Filipino, nahahasa ang aking kasanayan sa pagbasa, pagsulat, at pakikipag-uusap gamit ang wikang Filipino.
Higit sa lahat, ang asignaturang Filipino ay nagpapalawak ng aking bokabularyo sa wikang Filipino, na nagbibigay sa akin ng mas malalim na pag-unawa sa mga konsepto at ideya na hindi ko maaring maipahayag sa ibang wika. Ito ay nagpapabuti rin ng aking pagkakakilanlan at pagkakaisa bilang isang Pilipino, at nagbibigay sa akin ng pagkakataong maipakita at maipagmalaki ang aking pagmamahal sa kultura at kasaysayan ng bansa.
Naniniwala ako na ang asignaturang Filipino ay mahalagang bahagi sa pag-aaral sa kolehiyo. Hindi ito dapat pabayaan. Sa halip, hindi ito dapat ipagwalang bahala. Kung pinag-aaralan nga natin ang English at iba pang hiram ng lenggwahe sa pa-aralan, bakit hindi ang Filipino, na dapat lamang na may sapat tayong kasanayan — sa simpleng kadahilanang tayo ay isinilang na Filipino.
Sa katotohanan at kung ako ang tatanungin, dapat ipagpatuloy ang pag-aaral ng asignaturang Filipino upang mas mapalawak pa ang ating kaisipan. Nakakahiyang matawag na Filipino ngunit hindi ka sanay sa lenggwaheng sinuso mo sa iyong ina. Sabi nga sa “Panatang Makabayan” — “Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino, sa isip, sa salita at sa gawa.” Kung iniisip mong Pilipino ka, at ang gawa mo at kilos ay tulad ng isang Pilipino, ngunit hindi ka naman sanay sa wika, hindi ka pa rin tunay na Pilipino.
Sabi nga ni Dr. Jose Rizal, “Ang hindi magmahal sa sariling wika, higit pa sa hayop at malansang isda.”
Pagbutihin natin ang pag-aaral ng wikang Filipino. Ito ay isang paraan ng pagpapakita ng pagmamahal sa bayan.
— Guillero, Cid Gabriel T.
BSTM – 2102
Batangas State University