FILIPINO DIPLOMATS SA CANADA BALIK-POSTE NA

Teodoro Locsin Jr

BINIGYAN na ng go signal ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. kahapon ang pagpapabalik ng mga Filipino diplomat sa Canada kasunod ng matagumpay na pagpapauwi sa tone-toneladang basura na tinapon sa bansa.

Magugunitang pina­uwi sa bansa  ang Manila Ambassador to Ottawa at mga consul matapos mabi­go ang Canada na hakutin pauwi ang tone-toneladang basura sa deadline na kanilang itinakda noong ika-15 ng Mayo.

“To our recalled posts, get your flights back. Thanks and sorry for the trouble you went through to drive home a point,” pahayag ni Locsin sa Twitter.

Biyernes ng umaga  nang makaalis ang MV Bavaria, ang barko na may dala ng tone-toneladang basura, sa New Container Terminal sa Subic. Aabutin ng 21-araw bago makara­ting ang barko sa Vancouver.

Sinagot ng gobyerno ng Canada ang P10 mil­yong magagastos sa pag­hahakot ng basura pabalik sa kanilang bansa.

Naaksiyunan ang  pagpapauwi sa Canadian trash nang magalit ang Pangulong Rodrigo Roa Duterte at  nagbantang mag­dedeklara ng giyera kung mabibigo ang Canada na bawiin ang  kanilang  ba­sura na ilegal na dinala sa Filipinas sa magkakahiwalay na taon sa pagitan ng 2013 at 2014. ANGELO BAIÑIO

Comments are closed.