FILIPINO ELDERLY WEEK

HINDI maitatanggi na maraming mahihirap ang umaasa sa ayuda ng gobyerno.

Ito’y kahit na wala na namang krisis o pandemya sa ating bansa.

Nitong mga nakaraang linggo, abala ang pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamahagi ng ayuda para sa mga mahihirap, partikular sa mga tindero’t tindera na apektado ng price cap sa bigas.

Ang mga naghihikahos namang mamamayan, inaayudahan mula sa mga nasabat na puslit na bigas.

Karamihan sa mga nabibiyayaan ng bigas ay ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Tuloy naman ang pagsisikap ng administrasyon na mabigyan ng pagkakataong makapasok ng trabaho ang mga senior citizen at persons with disability (PWDs).

Maliban sa maitataas ang kanilang moral, mararamdaman din ng mga matatanda na sila ay produktibo at hindi pabigat sa pamilya.

Sa bisa ng Proclamation No. 470, simula nitong Linggo, Oktubre 1, 2023 ay ipinagdiriwang ang Filipino Elderly Week sa ating bansa.

Batay sa proklamasyon, obligasyon ng bansa na siguruhin ang kapakanan ng nakatatandang populasyon.

Ang pagdiriwang ngayong linggo ay pinangungunahan ng National Commission for Senior Citizens (NCSC) sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad.

Nitong Lunes, Oktubre 2, inilunsad ang five-year Philippine Plan of Action for Senior Citizens (PPASC 2023-2028) sa Malacañang.

Sinasabing layunin nitong matugunan ang mga nagbabagong pangangailangan at hamong kinahaharap ng mga senior citizen sa bansa.

Naglabas din ang Palasyo kamakailan ng Memorandum Circular No. 34 na nag-aatas sa national government agencies (NGAs) at local government units (LGUs) na suportahan ang mga aktibidad kaugnay ng pagdiriwang ng Linggo ng Katandaang Filipino o Elderly Filipino Week.

Maging ang government-owned and controlled corporations (GOCCs), iba’t ibang government financial institutions (GFIS), at state universities and colleges (SUCs) ay saklaw ng memo.

Tama nga naman ang Palasyo, nakasalalay sa suporta at partisipasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang ikatatagumpay ng pagdiriwang na ito.

Maganda at napapanahon din ang paglulunsad ng 5-year plan dahil nataon pa ito sa selebrasyon ng Elderly Filipino Week.

Patunay ito ng commitment ng administrasyong Marcos sa pagsusulong sa kapakanan ng mga matatandang Pilipino.