FILIPINO SCIENTISTS ‘DI LIGTAS SA PAMBU-BULLY NG CHINESE COAST GUARD

MAGING ang mga Filipino scientist ay hindi nakaligtas sa pambabarako ng Chinese Coast Guard habang nagsasagawa ng pag-aaral sa West Philippine Sea.

Sa ulat, nakaranas din ng pananakot mula sa China ang mga Pilipino scientist na nagsasagawa ng pananaliksik sa West Philippine Sea,pahayag ng isang maritime scientist kaugnay sa insidente sa Ayungin Shoal (Second Thomas Shoal).

Gaya ng ginawa ng Chinese Coast Guard sa grupo ng lady reporter na nagko-cover ng defense beat ay hinabol din ng mga sasakyang pandagat ng China ang mga Pilipinong mananaliksik mula sa University of the Philippines Marine Science Institute (UP-MSI) sa kanilang mga ekspedisyon sa West Philippine Sea.

“Hindi naman kami deretsong sasagasaan o babanggain, pero alam naming sinusundan kami… Ang ginagawa lang namin, dumidistansiya lang kami,” ani Deo Onda, microbial oceanographer na kabilang sa UP-MSI na nagsasagawa ng siyentipikong pananaliksik.

“Dahil nga ‘yong barko ng MSI, mas mababaw ‘yong kaya niyang puntahan, ang ginagawa namin, pumupunta kami doon sa reef na mababaw. Dahil malaki ‘yong barko nila, hindi sila makasunod,” kuwento ni Onda.

Hindi lamang umano nakaya ng malaking barko ng China na makapag navigate sa mababaw na bahagi ng reef kaya hindi naabutan ang mga mananaliksik.

Sinabi ni Onda na ang mga mananaliksik ay nakatanggap din ng mga tawag mula sa coast guard ng China na nagsasabing sila ay papasok sa teritoryo ng China.

Inilahad pa ng dalubhasa na ang ilang mga ekspedisyon na tumatagal ng ilang buwan upang paghandaan, ay nauuwi sa pagkakansela dahil sa “mga banta sa seguridad” sa West Philippine Sea.

Ngunit nilinaw nito na ang mga siyentipiko ay mahusay na nagtatrabaho sa pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga tropang nakatalaga sa West Philippine Sea sa panahon ng mga ekspedisyon.

Sinabi ni Onda na pinalalakas ng China ang pag-angkin nito sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng paglalathala ng pananaliksik na isinagawa sa lugar nang hindi kinikilala na ang mga naturang pag-aaral ay ginawa sa karagatan ng Pilipinas.

“It institutionalizes their claim, it really strengthens their claim of the area.”

Nabatid pa na nagtatag ang China ng tatlong istasyon ng pananaliksik sa West Philippine Sea at nagpadala ng daan-daang research vessel.

Ang Pilipinas sa kabilang banda ay mayroon lamang isang sasakyang-dagat ngunit ang gobyerno ay kumikilos ngayon upang makabili ng apat pang barko.

Nagbukas ang Filipino scientific research station sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea. VERLIN RUIZ