FILIPINO TUTOR SA SOUTH KOREA APEKTADO NA RIN NG COVID-19

SEOUL

SEOUL – HINTO ang operations ng mga Pinoy tutors sa South Korea dahil sa Coronavirus disease (COVID-19).

Ayon sa isang Filipino tutor na si  Anna Mae Gallo, tubong South Cotabato at isang OFW sa South Korea, dahil sa pangamba ng mga magulang ng kanilang mga tinuturuan ay pinatigil na muna sila.

Dahil dito ay nangangamba na rin sila dahil pati ang kanilang sahod ay made-delay.

Aniya, magtatagal ito ng isang buwan hanggang dalawang buwan.

Dagdag pa ni Gallo, nakitira na rin siya pansamantala sa kanyang kaibigan dahil wala na siyang pambayad sa kanyang tinitirhan.

Labis na rin ang pag-aalala ng kanyang pamilya subalit wala naman siyang magawa dahil wala naman siyang gagamitin para umuwi.

Sa ngayon ay tanging dasal na lamang ang kanilang kinakapitan.

Ayon pa kay Gallo, simula noong Pebrero 22 ay nahihirapan na silang lumabas dahil sa takot na mahawa sa nasabing sakit.

Aniya, sa Ulsan City kung saan sila nakatira ngayon ay 11 na ang infected. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM