HUMILING ang mga local film producers ng tatlong moratorium mula sa 10 porsiyentong amusement tax na kinokolekta sa kanila mula sa kita ng mga pelikula at humiling ng tax holiday upang makabawi ang mga ito.
Dumulog kay Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang mga naturang film producer upang humingi ng tulong.
Sa isang press conference kamakailan, ikinatwiran ng mga representative ng local film producers na nakipagpulong kay Abalos na malaking tulong sa industriya ng local film producers ng pelikulang Pilipino kung hindi muna sila pagbabayarin ng amusement tax.
“Kunwari may tax holiday na nga na ganito, baka puwede pang taasan ang budget ng paggawa ng pelikula. Kasi siyempre kailangan lumaban din tayo sa mga produkto ng ibang bansa. Dream natin na para tayong Korea ‘di ba pero we can’t do that without the support of the government,” ayon kay Átty. Annette Gozon-Valdes, President, GMA Films and SVP, GMA Network Inc.
Ayon kay Gozon, nagsilbing inspirasyon sa film producers ang pinakahuling tagumpay ng nakaraang Metro Manila Film Festival kaya gumagawa sila ng mga paraan para mapanatiling masigla ang local movie industry kaya nagkasundo ang mga kasapi ng Producers Guild of the Philippines na ilapit na kay Abalos ang naturang usapin.
Ipinaliwanag ng movide producers na mahalagang matulungan ang movie industry dahil maraming manggagawa ang umaasa rito. Halimbawa aniya, kung kumita ng P100 milyon ang isang pelikula, kakaltasan ito ng 10% para sa amusement tax, na nais nilang alisin muna at matitirhan na lamang ng tig 45% ang matitirang 90% sa kita, paghahatian ng producer at cinema operator.Mahihirapan aniya ang movie producers na pagkasyahin ang 45% na mababawasan pa ng 5% hanggang 20% na booking fee sa mga distributor, may kaltas pa na 12% na value added tax. Kaya naman naglalaro na lang sa 35% hanggang 37% ang maiiwan sa producer na gumastos sa paggawa ng pelikula.Nalulugi pa aniya ang mga ito sa pamimirata ng mga pelikula.Sinabi rin nila na napakaraming permit na kailangan sa pagsasagawa ng mga shooting.
Ayon naman kay Atty. Joji Alonso ng Quantum Films, na hindi naman lahat ng pelikula ay kumikita ng P100 milyon.Ang ilan ay umaabot lamang sa P2 to 12 million.
Nangako naman si Abalos na kakausapin niya ang mga alkalde tungkol sa kahilingan ng mga film producer upang matulungan ang mga ito. Patutukan din nito sa mga LGU ang pamimirata ng mga pelikula. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia