Mga laro ngayon:
(OCBC Aquatic Centre, Singapore)
2 p.m. – India vs Indonesia
4:30 p.m. – Ireland vs Philippines
6 p.m. – Austria vs Chinese Taipei
7:30 p.m. – Singapore vs Zimbabwe
SINGAPORE – Matapos ang tatlong exhibition matches, sasalang ngayon ang water polo national team sa aktuwal na laro kung saan makakasagupa ng mga Pinoy ang Ireland sa pagsisimula ng 2019 FINA Water Polo Challengers’ Cup sa OCBC Aquatic Centre dito.
Ginapi ng national team ang Zimbabwe, 16-2, noong Lunes ng umaga, at naitala ang 8-5 panalo laban sa Malaysia, bronze medallist sa huling Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, sa afternoon session.
Isa pang friendly game ang itinakda laban sa India, isang araw bago ang pagsisimula ng 10-nation tournament.
Sinabi ni Philippine water polo coach Rey Galang na nakahanda ang kanyang tropa lalo na sa execution sa opensa at solid defense na ipinakita ng national team sa unang dalawang exhibition games.
“Our players are ready to play in this tournament – physically and mentally,” ani Galang, na kasama si dating national team player standout Dale Evangelista sa coaching staff.
“We know we’re up against a team that is taller and bigger than our players, but I know we have the skills to match up with our opponent,” dagdag pa niya.
Makakaharap ng national team ang Ireland sa alas-4:30 ng hapon, matapos ang 2 p.m. game sa pagitan ng India at ng Indonesia, habang magpapambuno ang Austria at Chinese Taipei sa alas-6 ng gabi bago magsagupa ang Zimbabwe at host Singapore sa alas-7:30 ng gabi.
Ang paglahok ng koponan sa torneo na sinuportahan ng Philippine Sports Commission (PSC) at ng Philippine Swimming Inc. (PSI) ay bahagi ng pagsasanay ng mga Pinoy habang naghahanda para sa 30th SEA Games na gaganapin sa bansa sa Nov. 30-Dec. 11.
Bahagi ng 13-man team sina captain Tani Gomez, Roy Cañete, Mico Anota, Adan Gonzales, Matthew Yu, Macgyver Reyes, Mark Valdez, Aljon Salonga, Romark Belo, Paolo Serrano, Abnel Amiladjid, Mummar Alamara at Fil-Am Vince Sicat.
Comments are closed.