(FINA water polo) PH PINATAOB ANG MALAYSIA

FINA water polo

Mga laro ngayon:

(OCBC Aquatic Centre, Singapore)

3 p.m. – Hong Kong vs Chinese Taipei

4:30 p.m. – Malaysia vs Zimbabwe

6 p.m. – India vs Austria

7:30 p.m. – Ireland vs Singapore

SINGAPORE – Umiskor si veteran center-back Mummar Alamara ng apat na goals nang pataubin ng national team ang Malaysia, 11-8, sa FINA Water Polo Challengers’ Cup noong Huwebes ng gabi sa OCBC Aquatic Centre dito.

Bumanat si Alamara, ang pinakamatangkad na player sa 6-foot-3 para sa Philippine Team, ng tatlong goals sa first half na nagbigay sa mga Pinoy ng 7-3 bentahe.

Tinapyas ng Malaysia ang kalamangan sa 10-8 subalit gumawa si Alamara ng krusyal na goal matapos ang timeout upang ilagay ang talaan sa 11-8.

Nag-ambag si Adan Gonzales ng dalawang goals para sa national team, habang may tig-iisa sina Aljon Salonga, ang top scorer na may anim na goals sa panalo laban sa Zimbabwe noong Martes, Mark ‘Maui’ Valdez, Paolo Serrano, Filipino-American Vince Sicat at veteran player Roy Cañete.

Ang panalo ay ikalawang sunod ng Filipinas makaraang matalo sa opening game laban sa Ireland, 12-8. Ang isa pang panalo ay kontra Zimbabwe, na tinambakan ng national team, 18-2, noong Miyerkoles.

Ang mas mahalaga, sa panalo ay pinutol ng Filipinas ang eight-year losing skid kontra Malaysia.

Sa 2017  Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur ay ipinalasap ng  Malaysia sa Filipinas ang 8-7 defeat, na kalaunan ay nagresulta sa bronze medal finish ng Malaysians.

Comments are closed.