‘FINAL 4’ ASAM NG BOLTS, HOTSHOTS

Mga laro sa ngayon:

Araneta Coliseum

3 p.m. – San Miguel vs Meralco

6 p.m. – Magnolia vs Phoenix

KAPWA tangan ang twice-to-beat advantage, tatangkain ng league-leading Magnolia at fourth-running Meralco na makausad sa semifinals  sa magkahiwalay na laban sa PBA Governors’ Cup quarterfinals ngayong Biyernes sa Araneta Coliseum.

Haharapin ng Hotshots ang Phoenix Super LPG Fuel Masters sa alas-6 ng gabi matapos ang salpukan ng Bolts at San Miguel Beermen sa alas-3 ng hapon.

Pipilitin ng Magnolia at Meralco na ipanalo ang laro at umabante sa semis at hindi matulad sa NLEX Road Warriors at TNT Tropang Giga na kapwa nabigo sa kanilang lower seeds na katunggali noong Miyerkoles.

Pinataob ng Aces ang Road Warriors, 93-79, habang dinispatsa ng Gin Kings ang Tropang Giga, 104-92, upang ipuwersa ang ‘do-or-die’ game sa Sabado.

Nakopo ng Meralco ang twice-to-beat incentive sa playoffs makaraang padapain ang Phoenix, 109-90, sa kanilang huling laro sa eliminations.

Sa kabila na pinapaboran ay ayaw magkumpiyansa si Magnolia coach Chito Victolero at ayaw niyang maulit ang nangyari sa kanila na natalo sa dalawang underrated teams — NorthPort at kulelat na Blackwater na pinutol ang 29-game losing streak magmula pa noong 2020.

“Nanalo kami sa Phoenix sa elimination. Hindi nangangahulugan na maging over confident kami. Sinabi ko sa mga player sa practice namin na maglaro nang husto para masiguro ang panalo at umabante sa semis,’ wika ni Victolero.

Pangungunahan ni Mike Harris ang opensiba ng Magnolia katuwang sina Paul Lee, Calvin Abueva, Jio Jalalon, Ian Sangalang, Rome dela Rosa at Rafi Reavis.

Haharapin ng 38-anyos na NBA veteran ang bagong import ng Phoenix na si Du Vaughn Maxwell.

Dinala ni Maxwell ang Phoenix sa quarterfinals makaraang gapiin ang NorthPort, 101-98, sa knockout game. Kumamada ang 31-anyos na American import ng 31 points at 13 rebounds sa naturang panalo.

Samantala, determinado ang Beermen na maipuwersa ang rubber match kontra Bolts.

“Do-or-die para sa amin ito,” sabi ni coach Leo Austria at ipinaliwanag na hindi nila dapat biguin ang kanilang supporters.

“Ang inaasahan sa amin ng mga tao is to at least get into the next round kaya kailangan talaga all-out kami dito.” CLYDE MARIANO