‘FINAL 4’ BONUS SA LADY SPIKERS

Standings W L
*DLSU 11 1
NU 8 3
UST 8 3
AdU 8 4
FEU 6 6
Ateneo 4 8
UP 1 10
UE 0 11
*Final Four

Mga laro sa Sabado:
(Mall of Asia Arena)
10 a.m. – AdU vs UP (Men)
12 noon – AdU vs UP (Women)
2 p.m. – NU vs UE (Women)
4 p.m. – NU vs UE (Men)

DINISPATSA ng La Salle ang Adamson, 25-17, 25-27, 23-25, 25-23, 15-9, upang kunin ang unang twice-to-beat slot sa Final Four ng UAAP women’s volleyball tournament kagabi sa Mall of Asia Arena.

Kumana si Angel Canino ng 4 points, nag-ambag si Shevana Laput ng 2 points habang gumawa si Jolina dela Cruz ng 2 service aces sa 8-0 run ng Lady Spikers makaraang maitala ng Lady Falcons ang unang dalawang puntos sa deciding set.

Inilabas si Kate Santiago ng Adamson dahil sa cramps kung saan naghahabol ang San Marcelino-based side sa 6-13.

Subalit hindi basta sumuko ang Lady Falcons, naisalba ang tatlong match points bago tinapos ni Dela Cruz ang laro sa isang kill.

Sa huli ay tumapos si Canino na may career-high 28 points, kabilang ang 5 blocks para sa La Salle, na umangat sa league-best 11-1.

Nahulog ang Adamson sa 8-4.

Nauna rito, sumandal ang Far Eastern University kay 5-foot-8 setter Tin Ubaldo upang pataubin ang also-ran Ateneo, 25-21, 25-11, 22-25, 25-21, at mapanatiling buhay ang kanilang maliit na Final Four hopes na may 6-6 record.

Nakakolekta si Ubaldo, na dine-develop ni first-year coach at Lady Tamaraws legend Tina Salak na maging scoring setter, ng 7 points, kabilang ang 3 attacks, 2 blocks at 2 service aces at gumawa ng 10 excellent sets. Kinumpleto ng kanyang match-clinching ace ang season sweep ng FEU laban sa kanilang counterparts mula sa Katipunan.

“Whatever the outcome, yung sa amin kasi tinitignan namin yung three remaining games, two na lang kasi this one (naipanalo) na namin. Yung three remaining games gusto namin talaga manalo if ever kung aabot kami… sa Final Four blessing na yun pero this time ang focus namin kailangan ma-maximize namin yung time namin dito sa UAAP na may win,” sabi ni Salak.

Nanguna si Chenie Tagaod sa scoring para sa Lady Tamaraws na may 15 points, kabilang ang 2 service aces, nagtala si Jov Fernandez ng 2 blocks at 2 service aces para sa 12-point outing habang kinamada ng magkapatid na Jean at Ann Asis ang anim sa 12 blocks ng koponan.

Nagbuhos si Faith Nisperos ng 20 points at 8 digs, nagdagdag si Lyann de Guzman ng 11 points habang kumana si AC Miner ng 4 blocks para sa 10-point effort para sa Blue Eagles, na nalasap ang ika-8 kabiguan sa 12 laro.