‘FINAL 4’ (Gin Kings vs Bolts; Tropang Giga vs Fuel Masters)

Pba game 3

Mga laro ngayon:

AUF Gym

3:45 p.m. – TNT vs Phoenix

6:30 p.m.- Ginebra vs Meralco

BAKBAKANG umaatikabo ang inaasahan sa pag-arangkada ng PBA Philippine Cup best-of-five semifinals ngayong araw sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles City, Pampanga.

Unang maghaharap ang TNT Tropang Giga at Phoenix Fuel Masters sa alas-3:45 ng hapon, na susundan ng salpukan ng Barangay Ginebra Gin Kings at Meralco Bolts sa alas-6:30 ng gabi.

Wala ang kanilang PBA Governors’ Cup three-time champion import Justin Brownlee at si towering center Greg Slaughter, ang Kings ay nananatiling paborito, subalit tiyak na sasamantalahin ng Bolts ang pagkakataon at lalaban nang husto upang mapalawig ang kanilang break-through sa all-Filipino tourney.

Ang Kings ni coach Tim Cone ang nanguna sa elims na may 8-3 kartada at pagkatapos ay dinispatsa ang Rain or Shine Elasto Painters sa quarterfinals.

Samantala, bilang fifth seed, ang tropa ni coach Norman Black ay kinailangang manalo ng dalawang beses kontra defending champion San Miguel Beer.

Subalit ang kinaharap na hamon laban sa five-time champ San Miguel Beer ay maaaring higit na magpaalab sa pagnanasa at determinasyon ng Bolts na mapagtagumpayan ang kanilang unang all-Filipino playoffs sa loob ng limang taon.

Samantala, determinado rin si TNT coach Bong Ravena na manaig laban sa Phoenix at umusad sa susunod na round.

“We have to go out and get it,” wika ni Ravena.

Ito ang unang pagkakataon magmula nang bilhin ang Barako Bull franchise at sumabak sa PBA noong kalagitnaan ng 2016 season na pumasok ang Phoenix sa quartetfinals.

Subalit makaraang tapusin ang eliminations bilang No. 2 seed at pagkatapos ay nadominahan ang Magnolia Ang Pambansang Manok, finalist sa parehong torneo sa nakalipas na dalawang taon, ang Fuel Masters ay naging lehitimong contender.

Kailangang kumayod nang husto ang tropa ni Topex Robinson, itinalagang coach sa interim capacity nito lamang Setyembre at ginawa nang head coach ngayong buwan, para malusutan ang mas eksperyensadong TNT.

Bagama’t hindi kinakitaan ng pagkapagal o pagbagal, ang Fuel Masters ay baguhan pa lamang sa isang pressure-packed situation.

Sa kanilang panig, ang Tropang Giga ay may malalim na karanasan, patunay ang kabuuang limang titulo na napanalunan ng Manny Pangilinan-owned franchise sa parehong torneo, kabilang ang tatlong sunod mula 2011 hanggang 2013.

Isa sa malaking katanungan na nangangailangan ng kasagutan sa match-up na ito ay kung paano mapipigilan ng depensa ng Phoenix ang atake ng TNT na maaaring magmula sa bawat direksiyon.

Bagama’t sina top MVP candidate Matthew Wright, Jason Perkins, Justin Chua at  RJ Jazul ay madaling makapagsumite ng double-digit performances, ang kanilang totals ay madaling malalagpasan ng pinagsanib na puwersa nina Roger Pogoy at  Rayray Parks.

At ang TNT ay may maaasahang Jayson Castro na susuporta sa kanyang teammates o maaasahan sa lahat ng pagkakataon.

Comments are closed.