Mga laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre)
12 noon – SSC-R vs AU (Men)
2 p.m. – SBU vs UPHSD (Men)
4 p.m. – CSJL vs CSB (Men)
SISIKAPIN ng tatlong Final Four-bound teams na mainit na tapusin ang kanilang elimination round campaign na magpapataas sa kanilang kumpiyansa para sa mas malalaking laban na naghihintay sa NCAA men’s basketball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre.
Magsasagupa ang defending champion San Beda at University of Perpetual Help System Dalta sa preview ng kanilang semifinals duel sa alas-2 ng hapon.
Makakaharap naman ng Letran, nagbabalik sa Final Four matapos ang dalawang taong pagkawala, ang sibak nang College of Saint Benilde sa alas-4 ng hapon.
Ang isa pang semifinalist, ang Lyceum of the Philippines University, ay natapos na ang kampanya sa double-round eliminations na may 15-3 kartada.
Nakatakda ang Final Four sa Biyernes sa San Juan arena, kung saan makakalaban ng top-ranked Red Lions ang No. 4 Altas, habang magtutuos ang second seed Pirates at ang No. 3 Knights.
Armado ng twice-to-beat advantage matapos kunin ang top two spots, kailangan lamang talunin ng San Beda at LPU ang Per-petual Help at Letran, ayon sa pagkakasunod, ng isang beses sa best-of-three championship.
Ang Lions-Altas duel ay make-up game para sa nakanselang laro dahil sa bagyong Ompong. Nagwagi ang San Beda sa kanilang unang paghaharap sa opening day noong nakaraang Hulyo 7, 67-65, upang sirain ang coaching debut ni Frankie Lim para sa Perpetual Help.
Ang Lions na may 16-1 marka ay hindi pa natatalo sa second round.
May 11-6 rekord, ang Altas ay tila hindi apektado ng eligibility issues na kanilang kinaharap, dalawang linggo na ang nakalilipas, kung saan nakapokus lamang ang Las Piñas-based squad sa mga dapat nilang gawin sa court.
Umaasa naman ang Knights, katabla ng Blazers sa third place sa first round bago rumatsada sa second round, na mapalawig ang kanilang winning run sa pitong laro papasok sa susunod na round.
Target naman ng St. Benilde, hindi pa nakalulusot sa elims magmula noong 2002, na tapusin ang kanilang non-Final Four season sa pamamagitan ng winning record.
Comments are closed.