‘FINAL 4’(Beermen vs Bolts; Hotshots vs Tropang Giga)

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – TNT vs Magnolia
6 p.m. – San Miguel vs Meralco

SIMULA na ang best-of-seven semifinals series sa PBA Philippine Cup ngayon sa Araneta Coliseum.

Maghaharap ang defending champion Talk ‘N Text at Magnolia sa unang laro sa alas-3 ng hapon habang magsasagupa ang San Miguel Beer at Meralco sa alas-6 ng gabi.

Naisaayos ng Hotshots ang semis duel sa Tropang Giga makaraang pisakin ang NLEX, 112-106, habang sinibak ng Bolts ang Barangay Ginebra, 106-104, sa deciding Game 3.

Inaasahang magiging mainit ang salpukan sa pagitan ng Tropang Giga at ngHotshots. “It’s gonna be a dogfight,” wika ni Hotshots coach Chito Victolero.

“Magandang matchup kasi both teams halos pareho style. Defensive mindset, pressure defense, kasi guards nila pesky din.”

“We’re playing the hottest team in the league, winning nine of their last 10 games,” sabi naman ni Tropang Giga coach Chot Reyes. “It will take our best to be competitive.”

Magpapainit din sa best-of-seven duel ang katotohanang rematch ito ng finals noong nakaraang taon kung saan naging kampeon ang TNT matapos ang limang laro.

Samantala, kapwa highly motivated ang five-time all-Filipino champ San Miguel Beer at ang breakthrough-seeking Meralco sa kanilang sariling semis duel.

Ang Beermen ay galing sa isang linggong pahinga at umabante sa semifinals makaraang pataubin ang Blackwater Bossing, 123-93, sa kanilang quarterfinals clash.

Naitala naman ng Bolts ang malaking breakthrough kontra many-time playoffs tormentor Barangay Ginebra, nang maitakas ang 106-104 panalo sa do-or-die match noong Linggo sa MOA Arena sa Pasay City.

CLYDE MARIANO