IGINIIT ni AFP Chief of staff Lt.Gen. Andres Centino na isusulong nito ang “final push” laban sa banta ng terorismo.
Ito ang panawagan ni Centino sa lahat ng kasundaluhan nang dumalo at parangalan ang First Scout Ranger Regiment (FSRR) na nagdiriwang ng kanilang 71st Anniversary.
Ginanap sa Camp Pablo Tecson sa Bulacan ang nasabing pagdiriwang kaya nagkaroon si Centino ng pagkakataon na makausap ng masinsinan ang mga Regiment’s top officers and personnel sa pangunguna ni Regiment Commander Brig. Gen. Freddie Dela Cruz.
Ayon kay Centino, kailangan higit pang palalakasin ng hukbo at paigtingin pa ang kanilang kampanya laban sa ibat ibang threat groups sa bansa partikular ang communist terrorist group.
Aniya, ito umano ang kanilang final push para tuluyan nang tapusin ang pamamayagpag ng Communist Party of the Philippines at armadong galamay ng NPA bago pa magtapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kailangan umanong maging agresibo ang AFP sa kanilang operasyon sa huling pitong buwan ng panunungkulan ng Pangulong Duterte upang tuluyang matuldukan na ang problema sa insurgency.
Mensahe ni Centino sa elite force ng Philippine Army ang First Scout Ranger Regiment (FSRR) na maghanda para sa kanilang last push.
Ayon sa chief of staff, ang FSRR ang isa sa mga pamosong puwersa ng Hukbong Sandatahan na nakikipaglaban sa ibat-ibang threat groups sa bansa.
“The FSRR has been one of the AFP’s elite fighting forces against various threat groups. The proficiency of our Rangers is known world-wide and there is no question in the mentality and ferocity of our Scout Rangers in confronting threats to our security,” ani Centino.
Sa talumpati ni Centino, ang darating na taon ay crucial sa AFP lalo at paiigtingin ng militar ang operasyon to end local communist armed conflict.
Giit ni Centino, ngayon lang nakaramdam ang militar na kaya nilang tapusin ang problema sa insurgency sa natitirang pitong buwan sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Siniguro naman ng pamunuan ng First Sout Ranger Regiment na suportado nila ang kampanya para tapusin ang komunistang rebelde.
Pinangunahan din ng AFP chief ang wreath-laying ceremony Scout Ranger Memorial bilang pagpupugay sa mga Scout Rangers na isinakripisyo ang kanilang buhay sa ibat ibang kampanya at combat missions ng AFP.
Dumalo sa nasabing aktibidad sina dating AFP Chief of Staff General Cirilito Sobejana, Department of Social Welfare and Development Secretary at dating Commanding General Philippine Army Secretary Rolando Bautista, at DSWD Undersecretary Rene Glen Paje. VERLIN RUIZ