FINAL REPORT SA SEAG ISINUMITE NA

NAGSUMITE na ng final report na nakapaloob sa isang libro ang South East Asian Games Organizing Committee  kina Philippine South-east Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) Chairman Alan Peter Cayetano,  Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham ‘Bambol’ Tolentino at Philippine Sports Commission (PSC) Chair William Ramirez sa isang simpleng seremonya sa Taguig City.

Ang 30th SEA Games ay idinaos sa Filipinas noong Disyembre 2019 kung saan pinatunayan ng bansa na kaya nitong magsagawa ng pin-akamalaki at pinakamakulay na SEA Games sa kasaysayan na may 56 sports at 531 events na idinaos sa 53 competition venues at 8 non-competition venues.

Nabawi ng Filipinas ang overall crown ng biennial meet sa paghakot ng 149 gold, 117 silver, at 121 bronze medals.

“Natutuwa naman kami dahil kahit mga delegado galing sa ibang bansa ay nagpasalamat at nagbigay ng papuri sa Filipinas mula sa opening ceremonies hanggang sa pagtatapos ng event,” sabi ni Phisgoc Chief Operating Officer (COO) Ramon Suzara.

Ayon kay Suzara, ang libro ay nagsisilbing ‘badge of honor’ o medalya na hindi maaaring masira o madungisan kahit sa paglipas ng panahon.

“Ang 300-pahina na libro ay naglalaman ng kuwento ng tagumpay, maliit or malaki man, na nakamit ng bansa sa makulay at makahulugang SEA games journey,” sabi pa ni Suzara.

Ang naturang report ay isusumite ng Phisgoc sa South East Asian Games Federation.

“Ang makasaysayang dokumento na ito ay sumasalamin sa sipag at pagsisikap na ibinuhos ng bawat miyembro ng pamilya ng Phisgoc sa kanilang paghahanda para sa malaking sports event,”  ani Suzara.

“Bawat atleta, game official, sponsor, media pati na ang mga manonood ay nagbigay ng kani-kanilang ambag sa tagumpay ng SEA games,” dagdag ni Suzara.

Comments are closed.