ISINAGAWA ang final testing at sealing sa mga vote counting machine (VCMs) na gagamitin sa eleksiyon ng Commission on Elections (Comelec).
Sa San Juan Elementary School, sinaksihan mismo ni Comelec Chairman Saidamen Pangarungan ang final testing at sealing.
Ipinakita ng mga electoral board ng komisyon ang pagbubukas ng VCM mula sa kahon, pagche-check sa mga component nito tulad ng cable, battery, thermal paper, at iba pa.
Pagkatapos nito, nagkaroon ng end-to-end test, mula initialization ng mga VCM, pagboto ng 10 tao, hanggang sa pagsalang ng mga accomplished ballot sa VCMs at pag-imprenta ng election returns.
Ayon sa Comelec, alinsunod sa Resolution 9981, layon ng final testing at sealing na matiyak na ang mga makina ay gumagana at nasa maayos na kondisyon bago ang halalan.
Hindi umano kasi maisasakatuparan ang halalan kung walang final testing at sealing.
Matapos ang testing, ang mga VCM ay sinelyuhan at kinando sa polling precint.
Bubuksan na lamang muli sa araw ng eleksiyon sa Mayo 9, 2022 alas-5:00 ng umaga.
Samantala, sinabi ni Atty. Jayvee Villagracia, San Juan Election Officer na 103 na VCM ang na-deliver na sa lungsod.
Aabot naman sa 409 na electoral board ang magsisilbi sa araw ng eleksyon.