NAKATAKDANG idaos sa Philippine Arena ang sixth at final window ng FIBA World Cup qualifiers.
Inanunsiyo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) nitong Martes na ang main venue ng World Cup sa susunod na taon ang pagdarausan ng huling dalawang laro ng national team sa February window kung saan makakasagupa ng Gilas Pilipinas ang Lebanon at Jordan.
At kung ipag-aadya ng pagkakataon, maaaring maglaro si Justin Brownlee bilang naturalized player para sa national team sa Feb. 24-27event.
Kinumpirma ni SBP Executive Director Sonny Barrios ang pinakabagong kaganapang ito sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum na idinaos nang face-to-face sa ground floor ng Rizal Memorial Sports Complex.
“‘Yung Philippine Arena talagang naka-schedule tayo doon, ‘yung dalawang laro sa Pebrero,” wika ni Barrios, isang araw makaraang dumating ang national team mula sa Middle East kasunod ng two-game sweep sa Jordan at Saudi Arabia para sa fifth window.
Ito na ang ikatlong window na idaraos sa bansa matapos ang naunang hosting sa first at second windows noong Pebrero sa Araneta Coliseum, at sa fourth window noong nakaraang Agosto sa Mall of Asia Arena.
Ang Games sa 2023 World Cup ay gaganapin sa Big Dome, MoA, at Philippine Arena.
“‘Yung tatlong venue na iyan ang lalaruan sa World Cup. Kaya hangga’t maaari, lalaruan na natin. Parang nag-OJT na rin yung local organizing committee natin pag nagho-host tayo sa iba’t ibang venue natin,” pahayag ni Barrios sa weekly session na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Para sa sixth window, makakaharap ng mga Pinoy ang Lebanon sa Peb. 24 bago sagupain ang Jordan sa Peb. 27.
At ang pagkakataong maglaro si 34-year-old Brownlee bilang naturalized player ng Gilas sa parehong laro ay lumutang dahil magsisimula na ang proseso para sa kanyang naturalization.
“May hearing na sa Congress, at a-appear si Justin Brownlee doon,” sabi ni Barrios patungkol sa Barangay Ginebra import na haharap sa Kamara suot ang kanyang bagong tahing barong tagalog.
“Magiging malaking bagay kung magiging available si Justin,” pag-aamin ng SBP executive director.