FINALS PUNTIRYA NG KINGS; BOLTS, TROPANG GIGA AGAWAN SA 2-1

Mga laro sa
Miyerkoles:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – San Miguel vs Ginebra
5:45 p.m. – TNT vs Meralco

TATANGKAIN ng defending champion Barangay Ginebra na kunin ang unang finals berth via sweep habang mag-aagawan ang Meralco at Talk ‘N Text sa 2-1 bentahe sa Game 3 ng PBA Governors’ Cup semifinals ngayon sa Araneta Coliseum.

Sasagupain ng Kings ang Beermen sa alas-3 ng hapon at haharapin ng Bolts ang Tropang Giga sa alas-5:45 ng hapon.

Pinataob ng Barangay Ginebra ang SMB, 121-103, noong Linggo para sa 2-0 lead at lumapit sa finals kung saan target ni coach Tim Cone ang ika-24 na PBA title.

Desperado si SMB coach Jorge Gallent manalo at maiwasan ang sweep at kahihiyan sa una niyang coaching job sa Beermen na minana kay Leo Austria.

Tiyak dadaan si Gallent sa matinding pagsubok sa kanyang ambisyon na magtagumpay at bigyan ng titulo ang San Miguel.

Sa duelo ng mga import, lamang si Justine Brownlee kay Cameron Clark dahil matagal nang naglalaro ang 34-anyos na 6-time winner ng ‘Best Import’ award.

Sasandal si Cone kay Brownleee, katuwang sina Christian Standhardinger, Scottie Thompson, Stanley Pringle, Aljon Mariano at Arvin Tolentino. Hindi lang pangungunahan ang opensiba, babantayan din ni Standhardinger ang low post kung saan hindi maka-penetrate ang Beermen.

Tiyak na dodominahin ng 34-anyos na Filipino-German ang low post dahil wala si June Mar Fajardo na kasalukuyang nagpapagaling sa kanyang MCL injury at ang hindi paglalaro ng 6-11 ay malaking poblema at kawalan sa SMB. Uma-average si Fajardo, ang tinaguriang “heart and soul” ng SMB ng double-double per game.

Huling naglaro si Fajardo noong nakaraang Feb. 19 kontra TNT at tumirada ng 12 points and 13 rebounds.

Nakahandang umalalay kay Clark sina CJ Perez, Marcio Lassiter, Moala Tautuaa, Simon Enciso, Jericho Cruz at Vic Manuel

CLYDE MARIANO