FINALS SASAKMALIN NG LADY BULLDOGS

TINANGKA ni Bella Belen ng NU na umiskor laban kay Jean Asis ng FEU sa kanilang UAAP women’s volleyball second round match. UAAP PHOTO

Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)

2 p.m. – DLSU vs NU (Men Playoff)

4 p.m. – NU vs FEU (Women Final 4)

Mga laro bukas:
(Mall of Asia Arena)

2 p.m. – FEU vs UST (Men Final 4)

6 p.m. – DLSU vs UST (Women Final 4)

TARGET ng National University ang ikatlong sunod na Finals appearance sa pagsagupa sa Far Eastern University sa UAAP women’s volleyball tournament ngayong Sabado sa Smart Araneta Coliseum. Umaasa si Bella Belen na masulit ang twice-to-beat protection ng Lady Bulldogs sa 4 p.m. showdown sa Lady Tamaraws.

“Kapag narinig kasi ‘yung twice-to-beat, pa- rang nakakagaan siya sa pakiramdam ng mga player. Pero ‘yun nga, hindi dapat kami umabot sa puntong magagamit namin ‘yung twice-to-beat,” sabi ni Belen.

“Maganda lang siyang pakinggan sa mga player na ang sarap sa pakiramdam na twice-to-beat tayo kasi parang may suporta na nangyayari, pero hindi na namin papahantungin doon,” dagdag ng Season 84 Rookie MVP.

Matapos ang malamig na simula sa season, nagawang ta- pusin ng NU ang elimi- nations na may 12-2 record, tampok ang pagwawagi sa lahat ng kanilang pitong second round matches upang maging top-ranked team.

Ang isa pang Final Four duel ay sa pagitan ng traditional rivals University of Santo Tomas at La Salle na nakatakda bukas sa Mall of Asia Arena.

Ang Tigresses ay may 12-2 record din, ngunit nagkasya sa ikalawang puwesto sa elims, dahil may inferior points sila kontra Lady Bulldogs, 34-36, sa first tiebreaker.

Nalagay sa balag ng alanganin ang back-to-back title bid ng Lady Spikers makaraang tumapos sa ikatlong puwesto sa eliminations na may 11-3 kartada.

Nakuha ng UST ang twice-to-beat bonus ma- karaang pataubin ang La Salle, 22-25, 25-23, 25-16, 25-15, sa huling araw ng elims noong nakaraang April 27.

Matapos ang one-win campaign sa restart ng liga noong 2022 at ang fifth place finish na may 5-9 record noong nakaraang taon, sa wakas ay pumasok ang FEU sa Final Four, na may siyam na panalo, sa pangunguna ni Congo’s Faida Bakanke.

Ang pinakamalaking panalo ng Lady Tamaraws sa season ay ang five-set thriller laban sa league leader noon na Tigresses noong nakaraang April 13.

Ang FEU ay dalawang beses na natalo sa NU sa kanilang elimination round head-to-head.

Huling nakapasok ang Lady Tamaraws sa Final Four noong 2019, kung saan itinulak nito ang eventual champion Ateneo sa do-or-die match bago natalo.