FINALS TARGET NG GIN KINGS

Mga laro ngayon:

Mall of Asia Arena

4 p.m. – Magnolia vs Meralco

6:30 p.m. – NLEX vs Ginebra

(Game 3, best-of-five semifinals)

TATANGKAIN ng defending PBA Governors‘ Cup champion Barangay Ginebra na kunin ang unang final seat via sweep kontra NLEX sa Game 3 ng kanilang best-of-five semifinal series ngayong Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Hawak ang 2-0 lead, lalapatan ng finishing touches ng Gin Kings ang pag-usad sa championship round laban sa Road Warriors sa alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Magnolia at Meralco sa alas-4 ng hapon.

Tinalo ng Bolts ang Hotshots sa Game 2, 81-75, upang itabla ang serye sa 1-1.

Tiyak namang hindi basta-basta isusuko ng tropa ni NLEX coach Yeng Guiao ang laban upang mapanatiling buhay ang kanilang title campaign.

“We’re trying to get our first win. If we can get our first win, maybe the complexion is going to change,” sabi ni Guaio makaraang mahulog ang Road Warriors sa 0-2 sa kanilang series kontra Kings.

“We’re not giving it up that easily. Hindi naman namin ibibigay ng ganoon na lang.”

Bagaman nasa kanila ang momentum ay walang plano ang Barangay Ginebra ni coach Tim Cone na magkampante.

“The series is not yet over. Three more games and anything can still happen along the way,” sabi ni Cone na puntirya ang ika-23 PBA title magmula pa noong 1991 na nagsimula sa Alaska.

Muling pangungunahan ni resident import Justin Brownlee ang opensiba ng Barangay Ginebra laban kay Cameron Clark, na pumalit kay KJ McDaniels.

Makakatuwang ng 33-anyos na American import sina LA Tenorio, Scottie Thompson, Jeff Chan, Christian Starhardinger at Joe Devance laban kina Kevin Alas, JR. Quinahan, Kenneth Ighalo, Bong Galanza, Don Trollano, Raul Soyod at Dennis Miranda. CLYDE MARIANO