Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
7 p.m. – Ginebra vs NorthPort
Game 4, Ginebra abante sa 2-1
PUNTIRYA ng Barangay Ginebra ang unang finals slot sa muling pagharap sa NorthPort sa Game 4 ng kanilang best-of-five semifinals showdown sa PBA Governors’ Cup ngayon sa Araneta Coliseum.
Tangan ang 2-1 bentahe matapos ang back-to-back na panalo, sisikapin ng Gin Kings na tuldukan ang serye laban sa Batang Pier sa alas-7 ng gabi.
Kung mananalo, sasagupain ng Ginebra ang magwawagi sa Talk ‘N Text at Meralco sa best-of-seven finals na magsisimula sa Enero 8.
Dahil nasa kanila ang momentum sa dalawang sunod na panalo, malaki ang posibilidad na tapusin na ni coach Tim Cone ang serye at bigyan ng sapat na panahon ang kanyang tropa na makapagpahinga at ipagdiwang ang holiday season bago sumabak sa finals.
“As much as possible, we want to end the series and spend time for the holiday seasons. We have to play above board like we did in the last two games,” sabi ni Cone.
Sa kabila na tangan ang bentahe, walang plano si Cone na magkumpiyansa para hindi masilat at maiwasan ang sudden-death Game 5.
“There is no let down in our offense. We will exploit the advantage and utilize all available resources to finish the series the soonest possible time to take early respite,” wika ni Cone.
Katuwang sina LA Tenorio, Scottie Thompson, Stanley Pringle at twin towers Japeth Aguilar at Greg Slaughter, muling pangungunahan ni import Justine Brownlee ang opensiba ng Barangay Ginebra kontra NorthPort counterpart Michael Qualls.
Kung talento at kakayahan ang pag-uusapan ay lamang si Brownlee kay Qualls.
Tiyak namang hindi papayag si coach Pido Jarencio na tapusin na ng Kings ang serye at gagawin nito ang lahat para maitabla ito sa 2-2 at makahirit ng ‘rubber match’. CLYDE MARIANO
Comments are closed.