Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. – FEU vs Ateneo (Men Semis)
4 p.m. – FEU vs Ateneo (Women Semis)
DADAGITIN ng Ateneo ang unang Finals berth sa pakikipagtipan sa Far Eastern University sa UAAP Season 81 women’s volleyball Final Four ngayon sa Mall of Asia Arena.
Umaasa ang Lady Eagles na magagamit ang twice-to-beat incentive makaraang magtapos na isa sa top two teams sa elims laban sa No. 4 Lady Tamaraws sa alas-4 ng hapon.
Nasikwat ng Ateneo ang pinakamagandang elimination round record na 12-2.
Kung masusustina ng FEU ang lakas at husay na kanilang ipinamalas sa 25-22, 13-25, 15-25, 27-25, 15-8 shocking win laban sa defending three-time champion De La Salle noong Linggo, mapupuwersa ng Lady Tamaraws ang Lady Eagles sa deciding game sa Miyerkoles.
“Personally sa tingin ko wala. Laban kung laban na iyan, eh. Sa semis, wala na dapat excuses,” wika ni FEU mentor George Pascua.
Sa likod ng trio nina Maddie Madayag, Kat Tolentino at Bea de Leon, ang Ateneo ang top blocking team sa liga at nagpamalas ng malaking improvement sa receptions na siyang ‘weakest link’ ng koponan sa mga naunang kampanya nito.
Ang Lady Tamaraws ay yumuko sa Lady Eagles sa kanilang dalawang elimination round meetings, subalit para kay coach Pascua, ang Final Four ay ibang bagay.
“So, siyempre knowing naman Ateneo, powerhouse din naman ang team na iyon. Siyempre ‘di kami titigil hanggang hindi namin na-a-achieve ang goal namin,” wika ni Pascua, nagtatangkang ibalik ang FEU sa Finals sa ikalawang sunod na season.
Ang isa pang Final Four duel sa pagitan ng twice-to-beat University of Santo Tomas at third-ranked De La Salle ay nakatakda bukas, alas-4 ng hapon, sa parehong Pasay venue.
Comments are closed.