SISIKAPIN ng Meralco na makopo ang isang finals slot sa pagsagupa sa Group A topnotcher Petrochimi ng Iran sa FIBA Asia Champions Cup.
Nakatakda ang bakbakan ng dalawang koponan ngayong gabi sa Stadium 29 sa Nonthaburi, Thailand.
Maghaharap naman ang Alvark Tokyo, nanguna sa Group B na may malinis na 3-0 record, ang SK Knights ng South Korea sa isa pang semis game.
Ang Bolts ay tila nasa bingit na ng pagkakasibak sa week-long tournament ng top commercial ballclubs sa Asia makaraang matalo sa kanilang unang dalawang laro laban sa host team Mono Vampire at Alvark Tokyo.
Sa kambal na pagkatalo ay kinailangan ng Bolts na manalo ng 11 points laban sa two-time champion Al-Riyadi sa huling araw ng group stage upang umabante.
Subalit higit pa rito ang kanilang ginawa.
Sa likod ng three-point shooting nina KG Canaleta at Garvo Lanete, napanatili ng Meralco ang mainit na simula at nagpatuloy upang ipalasap sa Lebanese-based squad ang 63-96 pagkatalo noong Sabado ng gabi.
Tumapos ang Meralco na tabla sa Al-Riyadi at Mono Vampire na may magkakatulad na 1-2 marka, subalit umusad sa semifinals sa bisa ng superior quotient.
Muling sasandal ang Meralco kina import Allen Durham at Diamond Stone. Si Durham, ang two-time PBA Best Import, ay may average na 20.3 points at 14.7 rebounds, habang si Stone ay may average na 23.7 points at 8.7 rebounds.
Si Baser Amer ang pinaka-consistent na local para sa Meralco na may average na 10.3 points sa mainit na 57.1 shooting mula sa three-point range.
Comments are closed.