Mga laro ngayon:
(Rizal Memorial Stadium)
4 p.m. – Thailand vs. Myanmar
8 p.m. – Vietnam vs. Philippines
HAHARAP ang Pilipinas sa pinakamabigat nitong laban kontra defending champion Vietnam para sa isang puwesto sa finals ng 12th Asean Football Federation Women’s Championship ngayon sa Rizal Memorial Stadium.
Galing sa kanilang unang two-day break sa torneo, umaasa ang mga Pinay na nagkaroon ng panibagong lakas para sa kanilang 8 p.m. semifinal clash sa Vietnamese, na nanguna sa Group B via 4-0 shutout sa Myanmar noong Myerkoles.
Makakasagupa ng Group A topnotcher Thailand, pinataob ang host squad, 1-0, noong nakaraang Martes, ang Myanmar sa isa pang semifinal match sa alas-4 ng hapon kung saan ang magwawagi ay uusad sa championship sa Linggo.
Hangad ng tropa ni coach Alen Stajcic na maisantabi ang dikit na pagkatalo sa
Thais, dalawang araw na ang nakalilipas, at magpokus sa Vietnamese, na nakumpleto ang five-game sweep sa kanilang grupo.
Sisikapin ng mga Pinay na malusutan ang hamon at kasaysayan laban sa reigning AFF Women’s Championship queens, na hindi pa nila tinalo sa kanilang huling pitong paghaharap sa regional women’s football showcase.
Subalit laging dikit ang iskor sa kanilang mga laban, kung saan naitarak ng Vietnam ang 2-1 decision kontra Pilipinas nang huli silang magsagupa sa semifinals ng 2018 edition na idinaos sa Chonburi.Thailand.
Noong nakaraang Mayo, ang tropa ni coach Mai Duc Chung ay nanalo rin, 2-1, kontra hosts nang magharap sila sa group stage ng 31st Vietnam Southeast Asian Games women’s football tournament tungo sa pagpapanatili ng korona sa kanilang home pitch.