FINANCIAL AID SA CREW NG MV DIAMOND PRINCESS

Hans Leo Cacdac

PAGKAKALOOBAN ng package assistance ang mahigit 400 crews ng MV Diamond Princess na kasalukuyang sumasailalim sa mandatory 14-day quarantine sa New Clark City sa Tarlac.

Inihayag ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac na nagkasundo na ang kanilang Board of Trustees kaugnay sa pagkakaloob ng ayuda sa mga Filipinong crew ng MV Diamond Princess na inilikas mula sa Japan dahil sa COVID-19.

Nabatid na oras na matapos ang quarantine period ay pagkakaloban ang crew ng nasabing cruise ship ng financial, transport, at livelihood assistance.

Nakapaloob sa package assistance ang P10,000 tulong pinansiyal sa  crew ng barko bukod sa transportation assistance mula Maynila hanggang sa makarating sa kanilang mga lalawigan.

Subalit ang pinakamalaking tulong dito ay ang P20,000 livelihood grant para sa mga tripulante at crew ng MV Diamond Princess na wala nang planong sumakay muli o hindi na aalis ng Filipinas.

Pinag-aaralan din ng pamahalaan na pagkalooban ng parangal ang mga seafarer dahil nanatili silang nagseserbisyo sa loob ng cruise ship kahit marami na sa mga pasahero nito ang nahawaan ng nakamamatay na sakit.

Sa tala ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Health (DOH), umaabot sa 80 Pinoy ang infected ng COVID-19 at kinaila­ngang magpaiwan sa Japan para malapatan ng lunas. VERLIN RUIZ

Comments are closed.