(Part 1)
MGA mambabasa, kumusta na po kayo? Ang isa sa pinakamagandang sagot sa tanong na iyan ay “Heto yumayaman!” Ang sabi ni Jesus, “Mangyayari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya.” Kung ang inaasahan mo ay “Heto naghihirap,” malamang na maghirap ka nga. Subalit kung ang pananampalataya mo ay “Heto yumayaman,” malamang na yayaman ka nga. Iyan ang tinatawag na Law of Expectation.
Ang pagyaman ay dumarating sa maraming paraan. Ang kaperahan ay isang aspeto lamang ng pagyaman. Puwede ring yumayaman sa kaibigan. Ang pagkakaroon ba ng tapat at mabuting kaibigan ay maituturing na kayamanan? Oo naman. Puwedeng yumayaman sa kaalaman. Kung ikaw ay palabasa ng mga mabubuting libro at uma-attend ng maraming magagandang seminar at programa, at tuloy lumalawak ang iyong karunungan, maituturing bang kayamanan iyan? Oo naman. Ang magtrabaho ba sa isang matatag at mapagkalingang kompanya na nagpapasuweldo sa iyo sa tamang oras, iyan ba ay maituturing na kayamanan? Oo naman.
Kaya, maraming aspeto ang pagyaman. Bibigyang tuon ko ang pagyaman sa pananalapi. Paano bang magkaroon ng financial breakthrough? Paano bang matatamo ang pag-alpas sa bilangguan ng karalitaan?
Sa Bibliya, mayroong kuwento kung paanong ginamit ng Diyos si Moises upang palayain ang mga Israelita mula sa 400 taon ng pagkakaalipin sa Ehipto. Hinati ng Diyos ang dagat, at nakatakas ang bayan ng Diyos; dumaan sila sa gitna ng dagat. Nagkaroon sila ng pambihirang breakthrough. Subalit nang hinabol sila ng mga Egyptian at dumaan din ang mga ito sa hinating dagat para patayin ang bayan ng Diyos, ibinalik ng Panginoon ang tubig at tinabunan ang mga kalaban. Nalunod silang lahat. Kaya, matagumpay na nakalaya ang bayan ng Diyos mula sa pagkaalipin at karalitaan.
Pagkatapos nito, tinuruan ng Diyos ang mga Israelita ng katuruan ng Diyos. Ang sabi niya, “Alalahanin ninyo ang Panginoon niyong Diyos dahil Siya ang nagbibigay sa inyo ng KAPANGYARIHANG LUMIKHA NG YAMAN (Deuteronomio 8:18). Nagbitiw ng salita ang Diyos. Imposibleng magsinungaling Siya.
Hindi ko maintindihan kung bakit maraming mga Kristiyanong nananampalataya sa Diyos at nagbabasa ng Bibliya ang hindi nagkakaroon ng breakthrough sa kanilang kaperahan. Dapat ay suriin natin ang ating sarili. Nagbitiw ng salita ang Diyos; sinabi Niya na mayroon siyang magandang kaloob sa mga anak Niya – ang kapangyarihang lumikha ng yaman. Kung Kristyano ka, pamana mo ito mula sa Maykapal. Pakilusin at gamitin mo ang kapangyarihang ito.
Kung hindi nararanasan ito, dapat suriin ng marami ang kanilang sarili. Baka may sagabal. Baka may hindi tama sa kanilang kalooban. Puwede bang ang may diperensiya ay ang Diyos? Nagsinungaling kaya Siya? Anong klaseng Diyos siya kung sinungaling Siya. Kung Siya ay sinungaling, hindi Siya DIyos. Idolo lang siya, kung gayon. Subalit ang totoo: hindi Siya nagsisinungaling.
Pag-aralan natin ito nang mas malalim. Ang sabi ni Jesus, “Ako ang pintuan. Ang pumapasok sa akin ay maliligtas…Makakasumpong siya ng pastulan” (Juan 10:9). Sinabi rin niya, “Ako ang daan, ang katotohanan at ang buhay. Walang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6). Si Jesus ang kasagutan. Christ is the answer. Bakit? Dahil siya ang may-akda ng buhay. Siya ang buhay at ang muling pagkabuhay. Siya ang pintuan tungo sa buhay na walang hanggan. Ang mananampalataya sa kanya ay hindi na mapapahamak, kundi mayroon nang buhay na walang hanggan. (Juan 3:16) Ito ang Eternal Life.
Bukod sa buhay na walang hanggan, ang papasok kay Jesus ay “makasusumpong ng pastulan.” Iyan naman ang masaganang buhay (Abundant Life).
Samakatuwid, marami tayong benepisyo kay Cristo. Subalit mabubuod natin sa dalawa: Buhay na walang hanggan at Buhay na may kasaganaan. Ang ibig sabihin ng Eternal Life ay makakasama natin ang Diyos forever and ever sa Kanyang kaharian pagkamatay natin. May mga tahanang naghihintay sa atin. Hindi tayo dapat matakot sa kamatayan dahil sa langit ang ating tungo. Iyan ang pinakadakila nating benepisyo kay Cristo. Kaya dapat kilos-mapagtagumpay tayo. Dapat makita ito sa matalinong pangangasiwa natin ng kaperahan.
Tandaan: sakakasingko-singko, nakakapiso. Sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo. (Itutuloy)
Comments are closed.