(Part 10)
“ANG Diyos na nagbibigay ng binhing itatanim at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay sa inyo ng binhi, at magpapalago nito upang magbunga nang sagana ang inyong kabutihang-loob.” (2 Corinto 9:10).
Ang taong mapagbigay ay daranas ng magandang virtuous cycle of blessing – paikot-ikot na pagpapala. Dahil mapagbigay siya, pagpapalain siya ng Diyos. Dahil sa mayamang pagpapala ng Diyos sa kanya, mas marami siyang maibibigay. Mas marami ang kanyang ibinibigay, mas lalo pa siyang pagpapalain. Darating sa kanya ang buhay na masagana at maunlad.
Ang taong makunat ay daranas ng vicious cycle of poverty – paikot-ikot na karalitaan. Dahil makunat siyang magbigay sa Diyos, ninanakawan niya ang Diyos, at hindi tumutulong sa kapwang nagangailangan, hindi siya tatanggap ng pagpapala mula sa Diyos; bagkus ay isang sumpa o higit na kahirapan. Lalo siyang naghihirap, magigipit siya sa kaperahan at mahuhulog sa utang para matugunan ang kanyang mga pangangailangan. Lalo siyang nababaon sa utang, darating ang krisis na pinansiyal sa kanyang buhay. Mas lalo siyang nagigipit, mas lalo namang hindi siya magbibigay. Pakunat nang pakunat ang kanyang pag-uugali. Palala nang palala ang kanyang sitwasyon.
Ang taong dumaranas ng virtuous cycle of blessing ay nakatuklas ng sikreto ng pagdaloy ng pagpapala mula sa langit. Siya ay iyong nagbibigay ng mga regalo sa mga manggagawa ng Diyos. Siya ay nag-aambag para mapatapos ang pagtatayo ng mga simbahan. Siya ay nagbibigay ng scholarship para sa mga kabataang mahihirap na gustong-gustong mag-aral subalit walang kakayahan.
“Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay upang mas marami ang inyong matulungan. Sa gayon, lalong darami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa inyong tulong na dadalhin namin sa kanila.” (2 Corinto 9:11) Dahil sa pagtulong niya sa maraming mga taong nagigipit, marami ang magpapasalamat sa Diyos. Samakatuwid, ang pagbibigay niya ay nauuwi sa mga papuri at pagsamba sa Maykapal. Ang kaunlarang tatanggapin niya mula sa Diyos ay sa maraming aspeto ng kanyang buhay, kasama na ang kanyang kaperahan. Umuunlad din siya sa kanyang relasyon sa Diyos – nagiging malalim ang kanyang pagmamahal sa DIyos. Umuunlad din siya sa kanyang pag-iisip – nagiging matalino at marunong siya. Tumpak ang lahat ng kanyang pag-iisip at pagpapasya. Umuunlad din siya sa kanyang pakikipag-kapwa-tao. Marami ang humahanga at nagmamahal sa kanya. Kung siya man ay may suliranin, marami ang nagmamalasakit at handang tumulong sa kanya. Umuunlad din siya sa kanyang relasyon sa kanyang pamilya. Lumalalim ang pagmamahalan nila ng kanyang asawa at mga anak. Nagiging maunlad ang pamumuhay pati ng kanyang mga anak. Umuunlad din ang kanyang trabaho o negosyo. Umuunlad din ang kanyang kalusugang pangangatawan. Lahat ng kaunlarang ito ay galing sa Panginoong nagpapala sa kanya dahil sa kanyang ginintuang puso.
Ang kanyang pagyaman ay hindi para lang sa kanyang sariling kapakanan o para siya ay makapaghambog sa kapwa tao. Ang pagyaman niya ay upang maging isa siyang instrumento ng Diyos para pagpalain ang sangkatauhan. Iba ang perspektibo ng tao sa pananaw ng Diyos. Ang layunin ng tao ay magpayaman para magpasarap siya, para makapaglakbay sa buong mundo, para magkaroon ng maraming ari-arian; sa madaling salita, para sa kaluhuan at mapagmalaking pamumuhay. Ang pananaw ng Diyos ay ito: Ang tao ay payayamanin niya upang siya ay maging mapagbigay at mapagpala sa ibang taong nangangailangan. Ang gawaing ito ay lubos na nakalulugod sa Diyos. Ibang-iba ang isip ng Diyos sa isip ng tao. Ang tao ay makasarili; ang Diyos ay para sa kabutihan ng iba. Sana lahat tayo ay makaalpas sa baluktot na isip ng tao at yumakap sa adhikain ng Maykapal.
Ang pagbibigay ay isang ministeryo o gawaing banal. Tulad ito ng ministeryo ng pangangaral ng salita ng Diyos, ministeryo ng pag-awit sa simbahan, ministeryo ng pamumuno, at iba pa. Isang mahiwaga at dakilang ministeryo ang pagbibigay. Nakatutulong ito sa bayan ng Diyos – nakakakain nang wasto ang mga pastor, nakababayad ng gastos sa koryente at tubig ang simbahan, napag-aaral ang mga batang matatalinong walang kakayahang mag-aral. Naluluwalhati ang Diyos sa ministeryong ito.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.