FINANCIAL BREAKTHROUGH

rene resurrection

(Part 11)

“ANG paglilingkod ninyo upang tumulong sa mga kapatid ay hindi lamang makatutugon sa kanilang pangangailangan, kundi magiging dahilan pa ng nag-uumapaw na pagpapasalamat nila sa Diyos.” (2 Corinto 9:12).

Ayon sa talata sa itaas, ang pagbibigay ay isang klase ng paglilingkod sa Diyos.  Isa itong ministeryo (o ministry) ng mga anak ng Diyos.  Ang magandang pakinabang ng pagbibigay ay:  Una, nakatutugon ito sa pangangailangan ng mga manggagawa ng Diyos.  Napopondohan ang mga pangangailangan para patuloy na tumakbo ang gawaing simbahan.  Naipapahayag ang salita ng kaligtasan sa mara­ming lugar.  Pangalawa, ang pagbibigay ay nauuwi sa maraming pasasalamat sa Diyos. Naluluwalhati ang Maykapal dahil sa gawaing pagbibigay. Kaya tumatanggap ng mas maraming pagpapala ang mga taong mapagbigay.

“Ang bukas-palad ninyong pagbibigay sa kanila at sa lahat ang siyang magpapatunay na matapat ninyong sinusunod ang Magandang Balita ni Cristo. Dahil diyan, magpupuri sila sa Diyos.” (2 Corinto 9:13)

Madali ang magsalita; mahirap ang gumawa.  Madaling sabihing “Ako ay anak ng Diyos.  Ako ay tagasunod ng Panginoon.  Mahal ko ang Diyos at mahal ko ang aking kapwa.”  Subalit salita lang ito. Ang tunay na ebidensiya na ang isang tao ay tagasunod ni Cristo ay gumagawa siya ng mga gawa ng pagtulong at kahabagan sa mga ­manggagawa ng Diyos at sa mga taong nagigipit at karapat-dapat sa tulong. Gawa ang talagang ebidensiya ng pagbabago ng puso, at hindi puro salita. Ang pagsasabi ng, “Kaawaan kayo ng Diyos” ay hindi sapat para ang mga taong nagigipit ay magpuri sa Diyos.  Ang pagtulong para matugunan ang kanilang pangangailangan ang siyang uudyok sa kanila para magsabi ng pasasalamat sa Diyos.

May mga mahihirap na karapat-dapat tulungan at may mga mahihirap na hindi karapat-dapat.  Ang karapat-dapat ay iyong nagtatrabaho at kumakayod para matugunan ang kanilang panga­ngailangan subalit talaga lamang kinukulang o nahulog sila sa matinding sakuna sa buhay.  Kasama rito ay ang mga kabataang talagang gustong-gustong mag-aral at kitang-kita ang kanilang kasipagan subalit talaga lamang hindi matustusan ng kanilang mga magulang ang kanilang pag-aaral. Ang mahihirap na hindi karapat-dapat ay iyong mga tamad, batugan, maraming bisyo, at nagsusugal pa.  Hindi dapat tulungan ang mga palamunin, mga lubos na palaasa at ayaw magbanat ng buto.  Ang mga taong tamad ay dapat lang talagang maghirap.  Kagutuman ang mainam na kaparusahan sa katamaran. Ang dapat sa mga taong tamad ay turuan ng wastong pag-iisip at pagkilos.  Sa panahon ni Haring Solomon, ang parusa sa mga taong hangal at tamad ay ang paghahagupit sa pamamagitan ng yantok.  Sabi nga sa Bibliya, “Ang latigo’y para sa kabayo, ang bokado’y para sa asno, ang pamalo naman ay sa mangmang na tao.” (Kawikaan 26:3)

Naniniwala ako nang lubusan sa karunungan ng katuruan ng Banal na Kasulatan.  Kaya naniniwala ako na dapat gamitan ng pamalo ang pagdidisiplina sa mga taong hangal at tamad.  Sa Bayan ng Singapore, mayroon silang batas na guma­gamit ng yantok na pamalo sa mga taong may sala.  Sang-ayon ako sa batas na ito dahil turo ito ng Bibliya at dahil sa ebidensiya na napakabisa nito para maituwid ang kilos ng mga mamamayan ng bansang Singapore.  Bawal ang tamad. Ang tamad ay dapat parusahan; ang mga mahihirap na masipag ay dapat gantimpalaan at tulungan.

“Kaya’t buong pagmamahal nila kayong ipa­panalangin, dahil sa ‘di masukat na kagandahang-loob ng Diyos sa inyo.” (2 Corinto 9:14)

Ang isang resulta ng bukas na pagbibigay sa mga manggagawa ng Diyos ay sila ay mananalangin para sa mga taong mapagbigay. Magkakaroon ng isang hukbo ng mga manana­langin ang mga taong mapagbigay.  Binabalutan sa matinding panalangin ang kanilang pamilya, tahanan, negosyo at kalusugan.  Kaya ang taong mapagbigay ay iniingatan at binabantayan ng Diyos. Tuloy-tuloy ang pagdaloy ng pagpapala sa kanilang mga ari-arian.  Walang sakuna ang dumadapo sa kanilang mga negosyo. Nagiging parang ‘invincible’ ang kanilang negosyo. Kaya lalong payaman nang pa­yaman ang mga taong mapagbigay.  Dahil hindi alam ng mga taong natutulungan kung sino ang tumutulong sa kanila, dinadaan na lamang nila sa matinding pananalangin ng pagpapala ang mga nagbibigay.

Tandaan: Sa kaka­singko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isnag libo.

Comments are closed.