FINANCIAL BREAKTHROUGH

rene resurrection

(Part 13)

NAKALULUNGKOT isipin na kahit na sinabi ng Panginoon na mas pinagpapala ang nagbibigay kaysa tumatanggap, kaunting-kaunti lang ng mga tao ang nagbo-volunteer na sumapi sa ministeryo ng pagbibigay. Ang hamon ko sa maraming mambabasa ng kolum kong “Heto Yumayaman”: Mag-vo­lunteer kayo sa lupong ito.  Pagbibigay ang sikreto ng pagpapalang pinansiyal ng Diyos.

Marami ang may gustong sumapi sa Music Ministry, Sunday School teaching, Ushering Ministry, Outreach Ministry, atbp.  Maganda ang lahat nang ito.  Paglilingkod lahat ito sa Panginoon.  Subalit bihira ang sumasali sa Giving Ministry.  Bakit kaya ganoon?  Mayroon kaya ang maraming tao ng makunat na attitude?  Katunayan, mayroon pa ngang nagtataka, “Ministry pala ang pag-bibigay?”  Oo naman!  Basahin ninyo ang sinabi ng Bibliya (Roma 12:6, 8):

“Tumanggap tayo ng iba’t ibang kaloob ayon sa kagandahang-loob ng Diyos, kaya’t gamitin natin ang mga kaloob na iyan… Kung pagbibigay ang inyong kaloob, magbigay kayo nang buong puso.”

Tinitiyak ko sa inyo: Kung sasapi kayo sa ministeryo ng pagbibigay at gagawin ninyo ang generous giving, magkaka-breakthrough kayo sa inyong pananalapi.  Maaaring mangyari sa inyo ang mga milagrong pinansiyal.  Naalala ko, mayroong isang dating pulis, si Colonel A. Flores (binago ko ang pangalan).  Dati ay gipit na gipit siya sa kanyang kaperahan at halos hindi niya mapag-aral ang kanyang mga anak.  Nakabili siya ng isang aklat na ang pamagat ay “Financial Freedom” (1983), inilimbag ng Institute of Basic Youth Conflict ni Dr. Bill Gothard.  Ang aklat na iyon ay tungkol sa dalawampung prinsipyong pananalaping hango sa Bibliya.  Isa sa epekto sa iyo kapag babasahin at susundin mo ang turo ng aklat na iyon ay magiging generous giver ka para sa Panginoon.  Ganoon nga ang nangyari kay Col. Flores.  Naging generous giver siya.  Marami siyang sinuportahang mga manggagawa ng Diyos sa simbahan at tumulong siya sa maraming mga maralitang tao.  Kagila-gilalas!  Pinagpala nga siya.  Nagkaroon siya ng matagumpay na exporting business.  Lumaki nang lumaki ang kanyang negosyo.  Nag-early retirement siya sa pagiging pulis at nag-full-time na siya sa negosyo at sa gawaing pagbibigay.

Naregaluhan ako ng aklat na iyon.  Binasa ko at sinunod ang mga prinsipyong nakasaad doon.  Nag-practice rin ako ng generous giving.  Nagbigay ako ng tulong sa ma­raming simbahan at mga maralitang tao. Nagkaroon din ako ng financial blessing.  Dumami ang aking mga international projects.  Ipinadala ako ng Diyos sa mahigit 40 proyekto sa ilang bansa sa Asia-Pacific, Africa, South America at Europa.  Kung minsan nga ay apat na bansa ang pinpuntahan ko bawat taon dahil sunod-sunod ang mga proyekto ko.  Ako mismo ay nagulat sa mga pangyayari.  Ang masasabi ko lang ay kagila-gilalas ang paraan ng Diyos.  Hindi maaaring magbula ang pangako Niya.  Noong nasa Durban, South Africa ako, habang ako ay nagbubulay-bulay sa Bibliya, naramdaman kong inuudyok ako ng Panginoon, “Pinararanas ko sa iyo ang nararanasan mo ngayon upang malaman mong tinitindig kita bilang isang Mamimigay ng Kaharian at gusto kong magtindig ka pa ng ibang Mamimigay ng Kaharian.”  Kaya heto ako nga-yon, sumusulat sa PILIPINO Mirror at inuudyok ko ang aking mga mambabasa na sundin ninyo ang prinsipyo ng Diyos para sa financial breakthrough: ma­ging generous giver kayo sa Panginoon.  “Magbigay, at ikaw ay bibigyan ng mabuting sukat, pikpik, siksik, liglig at umaapaw.” (Lucas 6:38)

Nakikita nating ayon sa Banal na Kasulatan, ang kasaganaan ay nakakabit sa pagiging mapagbigay: “Ang nagtatanim nang marami ay aani nang ma­rami;” “Ang bawat isa ay dapat magbigay ayon sa kapasiyahan ng kanyang puso, bukal sa kalooban, at hindi napipilitan lamang;” “Mahal ng Diyos ang nagbibigay nang masaya.”  Ang pangako ng Diyos para sa mga mapagbigay: “Payayamanin kayo sa lahat ng bagay para lalo pa kayong maging mapagbigay.”  Ang kasaganaan ay nakatali sa pagbibigay.  Conditional ang pagpapala.  Hindi ito automatic.  Para mapasaiyo ang resulta, dapat ay matupad mo ang kondisyon.  Ha­limbawa, kung magi­ging masipag ka, mapo-promote ka sa trabaho at tataas ang iyong kita.  Lahat ba ng manggagawa ay mapo-promote sa trabaho at tataas ang kita?  Hindi, iyon lamang masisipag sa trabaho.  Isa pang halimbawa: kung magwa-one-day millionaire ka, mababaon ka sa utang.  Lahat ba ng tao ay mababaon sa utang?  Hindi, iyon lamang magwa-one day millionaire.  Ang kondisyon ng kasaganaang galing sa Diyos ay generous giving.  Lahat ba ng tao ay daranas ng kasaganaang galing sa Diyos?  Hindi, iyon lamang magpa-practice ng generous giving.

Tandaan: Sa kaka­singko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.

Comments are closed.