FINANCIAL BREAKTHROUGH

rene resurrection

(Part 14)

KASAGANAAN ay resulta ng pagtupad ng kondisyon ng Diyos.  Kung hindi mo tutuparin ang kondisyon, hindi mo  mararanasan ang resultang kasaganaan.  Kahit na anak ka ng Diyos at ligtas ka na, inaasahan sa iyo ang pagsunod sa mga utos ng Diyos. Kahit na ipinangako ng Diyos na, “Ako ay naparito upang magkaroon sila ng masaganang buhay” at “Payayamanin Niya kayo sa lahat  ng bagay,” subalit kung pasaway ang isang anak ng  Diyos, hindi niya mararanasan ang katuparan ng mga matatamis na pangakong ito.

Malinaw ang turo ng Bibliya: para maligtas, ang kondisyon ay ma­nampalataya ka kay ­Jesu-Cristo. (Ang kaligtasan ay hindi sa pamamagitan ng gawa [Tingnan ang Epeso 2:8-9]).  Ang katuruang ang kaligtasan  ay sa pamamagitan ng mga gawa ay imbento lang ng mga tao. Paanong maliligtas ang tao sa pamamagitan  ng gawa, samantalang, ayon sa Bibliya, wala namang gumagawa nang mabuti. “Walang matuwid, wala kahit isa. Walang nakauunawa, walang naghaha­nap sa Diyos. Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama. Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.” (Roma 3:10-12)  “Sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23)

Ang taong hindi nananampalataya kay Cristo ay hindi maliligtas.  Ang sabi ni Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan at ang buhay.  Walang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6)  Ang mabuting balita ay ito: “Ang walang bayad na kaloob ng  Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 6:23)  Samakatuwid, libre lang ang kaligtasan. Libre lang ang pagpasok sa Kaharian ng Diyos sa langit. Libre lang ang buhay na walang hanggan. Ang kondisyon ay: manampalataya kay Jesu-Cristo. “Sumampa­lataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka.” (Gawa 16:31)

Ngayong ligtas na tayo, ngayong papunta na tayo sa langit, dapat ay ipakita natin ang matamis na bunga ng ating pagkakaligtas. “Magbunga nga kayo ng karapat-dapat sa pagsisisi. (Mateo 3:8)  Ang pagtupad sa  mga utos ng Diyos ay ebidensiya na ligtas na nga tayo; katibayan ito na totoong nagmamahal tayo sa Diyos. “Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos.” (Juan 14:15)

Samakatuwid, may apat na uri ng tao: Una, isang taong hindi  nananampalataya kay Cristo at hindi sumusunod sa Kanyang mga utos. Sa palagay ko, masaklap ang kahihinatnan  ng taong ito sa ibabaw ng lupa at sa susunod  na buhay.  ­Pangalawa, isang taong hindi nananampalataya kay Cristo subalit tumutupad sa mga prinsipyong ayon sa turo ni Cristo.  Nakahihinayang ang taong ito. Maaaring umasenso siya sa buhay sa lupa subalit masaklap ang kahihinatnan niya sa kabilang buhay.  Pangatlo, isang taongnananampalataya kay Cristo subalit hindi sumusunod sa mga utos ni Cristo.  Tinatawag itong isang hangal na Kristiyano. (Tingnan ang Mateo 7:24-25).  ­Maaaring maghirap siya sa ibabaw ng lupa, subalit pagkamatay niya, maganda ang kanyang kahihinatnan.  At pang-apat, isang taong nananampalataya kay Cristo at sumusunod sa kanyang mga utos.  Tinatawag itong matalinong Kristiyano. (Tingnan  ang Mateo 7:26-27). Malamang na matatag at maasenso ang buhay niya sa lupa, at pagkamatay niya, patutungo siya sa Kaharian ng Diyos sa langit.

Marami ang mga benepisyo natin kay Cristo.  Para simple, sabihin na­ting may dalawang malaking benepisyo  tayo: Buhay na walang hanggan at Buhay na masagana.  Ang kondisyon para magkaroon ng Buhay na walang hanggan ay pananampalataya kay Cristo.  Ang kondisyon para mapasaatin ang Buhay na masagana  sa lupa ay pagsunod sa mga katuruan ni Cristo.  Kasama sa mga utos ni Cristo ay ang pagtitipid (“Ipunin ninyo ang lumabis nang ‘di masayang,” Juan 6:12), pagnenegosyo (“Ipangalakal ninyo iyan hanggang  sa aking pagbabalik,” Lucas 19:13), pagdedeposito sa bangko kung hindi ito inenegosyo (“Bakit hindi mo na lamang idineposito sa bangko ang aking salapi? May tinubo sana iyan bago ako dumating,” Lucas 19:23), at pagbibigay (“Magbigay kayo  at kayo’y bibigyan din; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo,” Lucas 6:38).

Tandaan: Sa kaka­singko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.

Comments are closed.