FINANCIAL BREAKTHROUGH

rene resurrection

(Part 16)

AYON kay Jesus, may apat na uri ng lupa na katumbas ng apat na uri ng pagtanggap sa kanyang mga katuruan.  Ang una ay ang matigas na lupa. Kapag naihasik ang binhi sa ganitong lupa, hindi tumatagos ang mga ugat dahil sa katigasan.  Dumarating ang mga ibon para tukain at kainin ang mga binhing naitanim doon. Ang ­pangalawa ay ang mabatong lupa.

Kapag naihasik ang binhi roon, tumutubo ito nang panandalian. Su­balit dahil mababaw at mabato ang lupa, pagsikat ng araw, natutuyo ang halaman, nalalanta at namamatay.  Ang pangatlo ay ang lupang matinik.  Paghasik doon, tumutubo ang binhi at nagiging halaman.  Subalit sinasakal ng mga mat-inik na halaman ang mabuting halaman at ito’y namamatay.  Ang pang-apat ay ang matabang lupa.  Paghasik doon, nag-uugat ang mga binhi nang malalim, tumutubo ang halaman, lumalaki at nagbubunga nang marami, ang ilan ay makakatatlumpu, ang iba ay makaka-animnapu, at ang iba ay makaka-isang daang beses and dami ng bunga.

Gayundin naman, may apat na uri ng tao na nakaririnig sa magandang aral ng Panginoong Jesus.  Ang una ay ang mga taong hindi nauunawaan ang katuruan, hindi sila na­aaliw nito, kaya ninanakaw ng kaaway ang magandang salitang naitanim sa kanilang puso, nalilimutan at nababalewala.  Nananatiling hangal at patapon-tapon ang buhay ng mga taong ganito.  Ang pangalawang uri ng tao ay iyong nakikinig sa magandang katuruan ni Jesus, nauunawaan ito, nananabik sila, subalit panandalian lamang. Walang malalim na ugat.  Pagdating ng mga pagsubok at paghihirap, agad-agad silang bumibitaw sa magandang turo, at nagbabalik na naman sa dating masama at walang kabuluhang pag-uugali.  Ang pangatlong uri ng tao ay iyong mga nakikinig sa magandang turo, nauunawaan, at nananabik na tanggapin ito, subalit ang panlilinlang ng masamang yaman, pagmamahal sa pera, at pang-aakit ng kamunduhan ay sumasakal sa magandang aral, nalilimutan at wala ring magandang pagbabagong nangyayari sa kanilang buhay.

Ang pang-apat na uri ng tao ay ang may mabu­buting kalooban.  Pagkarinig nila sa magandang katuruan, tinatanggap nila ito ng may kagalakan, binubulay-bulay ito, inuunawa, at isinasagawa, kaya tumutubo ang salita.  Kahit dumating ang mga pagsubok at tukso ng sanlibutan, hindi sila natitinag, nagpapatuloy sila sa magandang katuruan, kaya lumalago ang kanilang karunungan, at nagbubunga sila ng marami, umaasenso, yumayaman sa malinis na paraan, nagtuturo sa iba, nagpapakita ng mabuting halimbawa, nagiging mapagbigay, at tuloy-tuloy ang pagpapala ng Diyos sa kanila. Dumarami ang kanilang nasasakupan, natuturuan at natutulungan, ang iba ay makatatlumpung beses, ang iba ay maka-animnapung beses, at ang iba ay maka-isang daang beses.

Kapag ikaw ay Kristiyanong mahilig makinig sa salita ng Diyos, su­balit hindi ka dumaranas ng masaganang buhay, posible kayang pasaway ka at matigas ang puso?  Posible kayang hindi mo naisasagawa ang mga mabubuting prinsipyo?  Ang kasaganaan ay nakadepende sa pagsunod.  Kung susundin mo ang magandang aral, magkakaroon ka ng kasaganaan.  Ang turo ng Bibiliya, ang maraming tao ay napapasailalim ng Kaharian ng Kadili-man.  Amo nila ang kaaway ng Diyos. Kung mamamatay sila nang hindi nagsisisi at hindi tumatanggap kay Jesus, mapapahamak sila sa kabilang buhay.  Subalit dahil sa biyaya at habag ng Diyos, binibigyan Niya ang sangkatauhan ng isa pang pagkakataong maligtas at mapagpala.  May mga taong nalilig-tas mula sa Kaharian ng Kadiliman at inililipat sa Kaharian ng Liwanang ng Panginoong Jesus. Ligtas na sila dahil tumanggap sila kay Jesu-Cristo. Ka-pag namatay sila, patutungo sila sa tahanan ng Diyos sa langit. Subalit hindi automatic na daranas ang lahat sa kanila ng masaganang buhay sa ibabaw ng lupa. Ito ay para lamang sa mga masunurin sa mga katuruan ni Jesus.

Nalulungkot ako dahil maraming mga Kristiyano ay oo’t ligtas nga, papuntang langit kung mamamatay, may mansiyong tirahang naghihintay sa ka-nila sa langit, may buhay na walang hanggan, subalit hindi nila nararanasan ang ibang benepisyo kay Cristo dahil pasaway sila.  Katunayan, nagiging hinagpis sila ng kanilang pamilya, pastor at simbahan dahil sa katigasan ng ulo. Iniiyakan at ipinagdarasal sila ng kanilang mga magulang at asawa na sana’y magbago na ng pag-uugali.

Sa palagay ko, dapat lang talagang maghirap ang mga taong pasaway at tamad.  Kung ang sinuman ay saksakan ng pasaway, nagpapaiyak sa kanyang mga magulang, asawa’t mga anak, laging pinaghihinagpis ang kanyang mga guro at pastor dahil sa katigasan ng ulo at katamaran, dapat lang talagang maghirap siya. Hindi siya karapat-dapat sa buhay na masaganang ipinangako ni Cristo.

Tandaan: Sa kaka­singko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.