(Part 18)
“WALA dapat maghihirap sa inyo kung susundin lamang ninyo ang mga utos ng Panginoong Diyos.” (Deut. 15:4-6) Hindi kalooban ng Maykapal ang maghirap ang tao. Mahal na mahal Niya tayo. Sinabi ni Jesus, “Ako ay naparito para magkaroon kayo ng buhay na may kasaganaan.” (Juan 10:10b). Nang nilikha ng Diyos ang sanlibutan, ang orihinal na kalagayan nito ay ubod ng ganda, yaman at saya.
Ano ang nangyari? Bakit nagkaroon ng kahirapan? Huwag nating sisihin ang Diyos. Hindi niya gawa ito. Kung gayon, saan nanggaling ang kahirapan? Saan din nanggaling ang kasamaan at kapighatian na makikita nating laganap sa mundo ngayon? May tatlong pinagmumulan ang kahirapan ng sangkatauhan:
Una, ang kahirapan ay bunga ng maling paggamit ng tao sa kanyang sariling kapasiyahan. Nang nilikha tayo ng Diyos, binigyan Niya tayo ng ‘Free Will’ (o Sariling Kapasiyahan). Malaya tayong pumili kung saan natin gustong pumunta at kung paano natin patatakbuhin ang buhay natin. Ang gusto sana ng Diyos ay piliin natin Siya at ang Kanyang mga magagandang katuruan. Kung susundin natin, bubuti sana ang buhay natin. Pero ano ang ginawa ng mga tao? Ginagamit nila ang ‘Free Will’ nila para suwayin ang utos ng Diyos at mamuhay ng buhay na palayo sa Diyos. Sa halip na Diyos ang sambahin nila, sumasamba sila sa mga diyos-diyosang gawa sa bato o kahoy. Sa halip na mag-ipon sila, nagpasiya silang maging maluho at nagsasayang. Sa halip na alagaan ang kanilang kalusugan, nagpasiya silang magkaroon ng maraming bisyo tulad ng sigarilyo, alak, sugal, droga, atbp. Ang resulta nito ay ang pagkasira ng kanilang pangangatawan. Nagkakanser sila sa baga at lalamunan, nagka-hepatitis sila sa atay, nasunog ang kanilang utak at naging bangag, naubos ang pera nila sa kasusugal. Ngayon ay naghihirap sila. Apektado sa kahirapan pati ang kanilang mga mahal sa buhay. Tulad ng kuwento ni Jesus: may isang anak na humingi ng kanyang mana mula sa ama, at pagkatapos ay naglayas at inubos ang kanyang mana sa pagpapasarap ng katawan, hanggang naubos ang lahat. At nang magkaroon ng taggutom sa lugar na iyon, naghirap siya. Nagutom siya at dahil sa kanyang matinding pagkalam ng sikmura, gusto na niyang kainin pati kaning-baboy. Bakit siya naghirap? Dahil sa maling paggamit ng kanyang ‘Free Will’. Ganito rin ang nangyayari sa maraming tao sa ngayon. Mali ang paggamit nila ng kanilang sariling kapasiyahan. Nararanasan nila ang masaklap na bunga ng kanilang maling pagpili. Ang sabi ng Bibliya, “Ipinapahamak ng mangmang ang kanyang sarili, pagkatapos si Yahweh ang kanyang sinisisi.” (Kawikaan 19:3)
Pangalawa, may kalaban ang Diyos na gustong paghirapin ang tao. Ang sabi ni Jesus, “Ang magnanakaw (si Satanas) ay dumarating para lang magnakaw, pumatay, at manira.” (Juan 10:10a). Napopoot ang kaaway ng Diyos sa mga tao dahil sila ay mahal ng Diyos, nilikha sila sa larawan ng Diyos, at sila ang nilikha ng Diyos para maging tagapagmana ng Kaharian Niya. Ang kaaway ay nang-aalipin sa tao, kaya tinatawag siyang “diyos ng sanlibutan” (tingnan ang 2 Corinto 4:4). Sa kasalukuyan, ang karamihan ng tao ay nasa kapangyarihan ng ‘Kaharian ng Kadiliman’ na pinamumunuan ng kaaway (tingnan ang Colosas 1:13). Nagpapadala ng sakit sa tao ang kaaway. May mga taong sinasapian ng kaaway. May ilang gumagamit ng madilim na kapangyarihan. Kung mababasa ninyo ang kuwento ni Job sa Bibliya, matututunan ninyo na ang mga sakuna at karamdamang dumapo kay Job ay nagbuhat lahat sa kaaway. Ang gusto ng kaaway ay mapoot si Job sa Diyos at sumpain niya ang Diyos. Napa-kawalang-hiya ng kaaway. Siya ang may kagagawan ng maraming kahirapan, subalit ang sinisisi ng mga tao ay ang Diyos. Magaling magkubli ang kaaway; tatawa-tawa siya sa kahangalan ng maraming tao.
Ang pangatlong pinagmumulan ng kahirapan ng tao ay ang magulo at bulok na lipunang nilikha nila. Gumawa sila ng isang sibilisasyong rebelde sa Diyos. Nagmamarunong sila nang wala sa lugar. Halimbawa, iniutos ng Diyos na disiplinahin ang mga anak sa pamamagitan ng pamalo para lumaki silang matuwid at matalino, subalit nagtuturo ang mga tao na huwag disiplinahin ang mga bata dahil daw baka masira ang ‘self-esteem’ nila. Ano ang naging bunga? Lumikha tayo ng mga kabataang ‘spoiled brat’. Lumilikha tayo ng mundong kinukunsinti ang maraming kasamaan at kalikuan na ipinagbabawal ng Diyos sa Bibliya? Ano ang bunga? Naging magulo ang mundo. Lumilikha tayo ng kulturang materyoso o ‘mapagmahal sa pera’ at nagmamadaling yumaman. Ang resulta ay maraming mga taong swindler at mga pinunong nangungurakot at walang takot sa Diyos.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.