FINANCIAL BREAKTHROUGH

rene resurrection

(Part 19)

GUSTO ng Diyos na yumaman ang tao sa malinis na paraan. Ang sabi Niya, “Ang pagpapala ni Yahweh ay kayamanan, na walang kasamang kabalisahan.” (Kawikaan 10:22). Kung gayon, ba­kit may kahirapan? Sa pag-aaral ko ng Bibliya, may nakita akong apat na uri ng kahirapan: (1) Pinili nilang maging mahirap, (2) Dumaranas sila ng ‘Character Training Program’ mula sa Diyos, (3) Biktima sila ng kawalan ng kataru­ngan, at (4) Resulta ito ng kasalanan at kahangalan.

Una, may mga taong talagang pinili nilang ma­ging mahirap.  Kataka-taka subalit mayroon talagang mga taong ang paniwala nila ay dapat itakwil ang mundong ito alang-alang sa Diyos. Tinatawag itong ‘Vow of Poverty’ o ‘Panata ng Kahirapan’. Ganito ang kaliwanagan ng isip nila. Sinusunod nila ang pilosopiyang ‘Living by Faith’.  Nabubuhay sila sa pananampalataya.   Ang gusto nila ay makapaglingkod sa Diyos nang walang iniintinding gawaing makamundo.  Ang pagli­lingkod nila ay relihiyoso at espirituwal. Tinatawag ko ang kahirapan nila na ‘Holy Poverty’ dahil ang kahirapan nila ay panata nila para sa Diyos. Pero para mabuhay sila, kaila­ngan ay mayroong mga taong ginintuan ang puso na mag-aambag sa kanila ng ikabubuhay nila. May mga mongha, pari, pastor, misyonero, at mga ma­ng­gagawa ng simbahan na ganito ang pamumuhay.  Kahanga-hanga ang kanilang malaking pananampalataya.

Pangalawa, may mga taong sumasailalim sa pagsasanay mula sa Diyos para malinang ang mga katangiang tulad ng pananam­palataya, kakumbabaan, at karunungan.  Maraming mga dakilang tao sa Bibliya na dumanas ng ganitong pagsasanay. Kasama rito sina Job, Moises, Jose, David, atbp.  Si Job ay dating napaka­yamang tao. Subalit pinahintulutan ng Diyos na mawala ang lahat ng kanyang kayamanan, namatay ang sampu niyang anak, at dinapuan siya ng matin­ding sakit na kamuntik na niyang ikamatay. Nang matutunan na ni Job ang aral na gusto ng Diyos na matutunan niya, isinauli ng Diyos ang lahat ng kanyang ari-arian at dinoble pa. Nagkaroon siya ng sampu pang bagong mga anak. Si Moises ay natapon sa disyerto at naging isang pobreng pastol bago siya naging Pinuno ng bayang Israel. Si Jose ay naging bilanggo bago siya naging pinakamataas na pinuno ng Ehipto.  Si David ay natapon sa disyerto at tumira sa isang yungib bago siya naging Hari ng Israel.  Ang kahirapan ay maaa­ring pagsasanay ng Diyos sa isang taong may dakila at maluwalhating tadhana mula sa Diyos. Ang pagsasanay na ito ay may katapusan.

Pangatlo, may mga taong naghihirap nang wala naman silang kasalanan, subalit inaapi sila ng mga masasama at makapangyari-hang tao. Ha­limbawa, may mga bansa na ang mga Kristyano ay inaapi, inuusig at pinahihirapan ng mga mayoridad na hindi Kristiyano. Sa Ehipto, hindi binibigyan ng magandang trabaho ang mga Kristiyano; kaya para sila mabuhay, nagiging mangangalakal ng basura.  Sa iba pang bansa, inaagaw ang kanilang mga bahay at lupain, ginagahasa ang mga babae, at pinupugutan ang mga Kristy-ano kahit wala silang kasalanan.  Pinipilit silang magbago ng relihiyon; kapag ayaw nila, sila ay inuusig.  Ganyan ang kawalan ng katarungan sa maraming bansa.  Sa Filipinas, may mga makapangyarihang tao na nang-aapi sa mga maliliit na tao.  Halimbawa, may alkalde ng isang bayan sa Laguna na nakursunadahan ang isang magandang estudyanteng taga-UP-Los Baños, pinadukot ito kasa-ma pa ng isang kaibigan, ginahasa, at pagkatapos ay pinatay.

Isa pang halimbawa, maraming mga land grabber sa maraming lugar sa Filipinas. Gumagawa ng pekeng titulo ng lupa ang mga gahamang tao at pagkatapos ay aagawin ang lupa ng mga taong may tunay na titulo.  Maglalaban sila sa korte. Mahaba ang pisi ng mandarambong, maikli ang pisi ng maliit, at nababayaran ang ilang korap na hukom.  Para matigil na ang paghihirap nila, nakikipag-areglo na lang sa mayaman ang kawawang mahirap.  Makukuha ng masamang mayaman sa murang halaga ang lupang pinag-imbutan niya.  Parurusahan ng Diyos ang mga masasamang bully na ito.

Ang pang-apat na kahirapan ay ang kahirapang bunga ng makasalanan o hangal na pamumuhay. Sa aking palagay, 80% ng mga taong naghihirap ay may ganitong dahilan. Ang kahirapan ay galing sa maling uri ng pamumuhay. Ga­ling ito sa pagkakaroon ng mga bisyo na nagbubunga ng sakit at karamdaman.  Galing ito sa pagpaparami ng anak na hindi naman kayang pakainin; kaya nagpapalaboy-laboy ang mga anak nila.  Galing ito sa paglalasing, katakawan, katamaran, pagmamahal sa sarap, maluhong pamumuhay, atbp.  Kung sobra ka sa paglalasing, magi­ging alcoholic ka at maaa­ring masunog ang atay mo.  Kung sobra ka sa sigarilyo, maaaring magkakanser ka sa baga at lalamunan.  Kung sobra ka sa katamaran, wala kang kita at maghihirap ka, pati mga anak mo.  Hindi mo sila mapag-aaral, at magpapatuloy ang kahirapan ng lahi mo.

Tandaan: sa kaka­singko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.