(Part 20)
“LAGING magkakaroon ng mga mahihirap sa inyo.” (tingnan ang Deuteronomio 15:10). Ito ang masaklap na katotohanan. Ang tanong: paanong nangyayari ito samantalang ang maliwanag na pangako ng Diyos ay “Wala dapat maghihirap sa inyo, dahil pagpapalain kayo ng Diyos, kung susunod lamang sana kayo sa mga utos ng Panginoon.” (tingnan ang Deut. 15:4-6). Oo nga, ang gusto ng Diyos ay magkaroon tayo ng masaganang buhay. Ang gusto niya ay walang mahirap sa atin. Subalit conditional ang pagiging malaya sa kahirapan. Ano ang kondisyon? Dapat ay sumunod tayo sa mga prinsipyo ng pananalapi na itinuturo ng Diyos. Binigyan tayo ng Diyos ng sariling kapasiyahan (free will). Hindi babawiin ng Diyos ang regalo niya sa ating sariling kapasiyahan. Kaya sinabi niya, “Aanihin ng tao kung ano ang kanyang itatanim.” (Galacia 6:7) Kung susunod tayo, hindi tayo maghihirap. Kung sasaway tayo, maghihirap tayo. Ganoon lang kasimple iyon.
Naipaliwanag ko na na may apat na dahilan ng kahirapan, ayon sa Bibliya. Una, pinili nilang maging mahirap dahil iyon ang pilosopiya nila. Pangalawa, dumaranas sila ng panandaliang pagsasanay ng kahirapan mula sa Diyos, at natatapos ito. Pangatlo, biktima sila ng kawalan ng katarungan mula sa mga taong makapangyarihan sa lipunan. At pang-apat, bunga ito ng kasalanan at kahangalan. Sa aking palagay, 80% ng mga taong naghihirap ay dahil sa ikaapat na dahilan. 20% lamang ang naghihirap dahil sa unang tatlong dahilan.
Kung totoo ang aking pagtataya, bakit mahirap ang maraming tao? Ang pinakamabigat na dahilan ay ang kasalanan at kahangalan ng ilan. Maraming tao ang tamad. Ayaw nilang magtrabaho. Mahilig sila sa tulog. Sinabi ng Diyos, “Ang ayaw magtrabaho ay hindi kakain.” (2 Tesalonica 3:10) Mga batugan sila, mga palamunin. Ang sabi ng mga salawikaing Filipino ay ito: “Ang taong tamad, kadalasa’y salat;” “Ang katamaran ay kapatid ng kagutuman;” “Ang naghahasik ng hangin, bagyo ang aanihin.” Sa aking palagay, dapat lang talagang maghirap ang mga tamad. Hindi tamang yumaman ang mga ito; kung hindi, walang katarungan sa ibabaw ng lupa. Kung yayamanan ang mga tamad, e di lahat na lang ng tao ay magpakatamad. Wala nang magtatrabaho. Magugutom tayong lahat.
Kung pagmamasdan ninyo ang mga tamad, kumpleto naman ang kanilang pangangatawan, may mga mata, paa, kamay, utak, pero ayaw gamitin ang mga ito. Nagsasayang sila ng oras. Sinasayang nila ang mga talento nila. Umaasa lang sila sa mga magulang. Kahit na matatanda na ang kanilang mga magulang at nagkakandakuba sa paghahanapbuhay, wala silang awa. Ang kakainin na lamang ng ina nila na tira-tira ay aagawin pa. Masisiba sila sa pagkain. Namimihasa sila. Ang katuwiran nila: Bakit pa sila magtatrabaho kung makakalibre naman?
Huwag dapat kunsintihin ng mga magulang ang katamaran ng ilan nilang mga anak. Nagbabala sa atin ang makatang si Francisco Baltazar, “Ang laki sa layaw, karaniwa’y hubad. Sa bait, sa muni, sa hatol ay salat. Masaklap na bunga ng maling paglingap. Habag ng magulang sa irog na anak.” “Sa taguring bunso’t likong pagmamahal, ang isinasama ng bata’y nunukal. Ang iba’y marahil sa kapabayaan ng dapat magturong tamad na magulang.”
Ang isa pang kahangalan ng maraming tao ay ang pagiging palautang. Ang turo ng Bibliya, “Huwag kayong magkautang ng anuman sa kanino man.”(Tingnan ang Roma 13:8) “Ang manghihiram ay alipin ng nagpapahiram.” (tingnan ang Kawikaan22:7). Ano ang hindi maliwanag sa mga pangungusap na ito? Bakit palautang pa rin ang marami? Pati ang mga ilang nagbabasa ng Bibliya ay palautang din. Ang titigas ng ulo ng ilang tao, kaya napapariwara ang kanilang buhay. Pinalaya na nga tayo ni Jesus. Nagdusa’t namatay siya para sa ating kalayaan, ngayon ba ay magpapatihulog na naman tayo sa pagkaalipin? Malaking insulto sa paghihirap ng Panginoong Jesus ang ginagawa ng maraming taong tinatawag nila ang sarili nilang Kristiyano. Nagiging masama silang patotoo sa ebanghelyo ni Cristo. Baka lapastanganin sila ng mga ‘di mananampalataya, “Kung totoo ang Diyos ninyo, e bakit naghihirap kayo at mga baon sa utang. Ang hina naman ng Diyos niyo. Baka bula ang Diyos siya!” Huwag nating hayaang madungisan ang pangalan ng ating Panginoon.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.