FINANCIAL BREAKTHROUGH

rene resurrection

(Part 21)

 “HUWAG magkakautang ng anuman sa kaninuman.” (Roma 13:8)  Ito ang tuntu­ning itinuro ng Diyos sa atin.  Gusto tayong iligtas ng Panginoon sa malaking pagkabalisa sa ibabaw ng lupa.  Kaya tayo tinuturuang umiwas sa utang.  Ang pangako Niya, “Pagpapalain kayo ng Diyos.  Kayo ang magpapautang, subalit hindi kayo ­uutang.” (Tingnan ang Deute­ronomio 15:6).  Ang problema ay likas na matigas ang ulo ng tao.  Mga pasaway tayo sa mga katuruan ng Diyos.  Kaya ang da­ming nagdurusa.  “Ang kahangalan ng tao ang nagpapariwara sa buhay niya, subalit ang Diyos ang kanyang sinisisi.” (Tingnan ang Kawikaan 19:3).

Mayroon akong kakilala.  Naging ninong nila ako sa kasal. Nang una ko silang makilala, mahal na mahal nila ang isa’t isa.  Nilalanggam sila sa tamis ng kanilang pagmamahalan.  Nagnegosyo sila.  Ang lalaki ay ubod nang galing sa paggawa ng mga bagay na gawa sa bakal – mga tarangkahan, mga grills sa pinto at bintana, mga bakal na haligi ng bahay, pati paglalatero ng mga sasakyan.  Ang usapan nila, ang lalaki ang gagawa, at si misis na-man ang maniningil ng bayad ng customer.  Umutang sila sa bangko para masimulan ang kanilang negosyo.  Ginamit nila ang titulo sa lupa ng mga magulang ng babae.  Napakalaki ng kanilang inutang dahil napakalaki rin ng lupa ng mga magulang.  Noong una, nagbuhay marangya sila.  Todo bihis si misis.  Parang na­nalo siya sa sweepstakes sa rangya ng kanilang pamumuhay.  Subalit hindi nasisingil ni misis ang mga customer ng kanilang nego-syo dahil abalang-abala siya sa pagpapatakbo ng isa pa niyang trabaho – ang pagbibigay ng mga pagsasanay.

Ang lalaki naman, na ubod nang galing sa trabaho, ay masyadong mahiyain. Nahihiya siyang maningil.  ‘Pag tinanong siya ng customer, “Maganda ang gawa mo.  Magkano ba ang ibabayad ko sa iyo?”  Ang sagot ni mister, “Kayo na lang po ang bahala.”  Ang ilang customers naman ay mapang-abuso; hindi sila nagbabayad nang tama.  Binabarat nila ang kawawang tao.  Dumaan ang panahon, hindi na nila mabayaran ang sinisingil ng bangko.  Lumaki nang lumaki ang interes na sinisingil sa kanila.  Nagbanta na ang bangko na kapag hindi sila magbabayad sa tamang oras, iilitin na nila ang ba-hay at lupa ng kanilang magulang.

Natakot silang sabihin sa magulang nila na maaari pa lang mawalan sila ng bahay at lupa, gayong napakatanda na nila.  Naghanap sila ng mga mau-utangan para bayaran ang buwanang hulugan sa bangko.  Dumating ang panahon na wala nang gustong magpautang sa kanila.  Lumapit sila sa akin para umutang dahil ninong nila ako sa kasal.  Tumulong ako ng isa o dalawang beses, subalit napansin ko na kada buwan, lumalapit sila sa akin para umu-tang.  Hi­nihila na nila ako palubog sa kanilang problema.  Dineretso ko na sila ng salita.  Sinabi kong hindi puwedeng ako na ang aako ng problema nila; may pamilya ako; may mga anak akong pinag-aaral at pinakakain.  Inabisuhan ko silang magtapat na sa mga magulang nila para magawan nila ng solusyon.

Nagtapat nga sila sa mga magulang nila.  Inatake sa puso ang ama; mabuti na lang at patuloy na nabuhay.  Galit na galit ang ina.  Lumapit sa akin ang ina at umutang ng pera para buhayin muli ang kanilang negosyong babuyan.  Retirado na sana sila.  Subalit dahil sa problemang ito, nagtrabaho muli sila.  Nagbigay sa akin ng kolateral, kaya pinautang ko.  Nag-alaga uli sila ng maraming baboy.  ­Eksperto pala sila sa negosyong ito.  Sa eksaktong isang taon ng pagnenegosyo, bumalik sa akin ang ina at binayaran ako ng kanyang utang na may patong na interes.  Naligtas ang kanilang bahay at lupa.  Ang masaklap nga lamang, hindi nakayanan ng mag-asawa na inaanak ko ang stress ng problema nila.  Nag-away sila nang matindi at naghiwalay.  Nasira ang kanilang pamilya.  Hinayang na hinayang ako dahil nakita kong labis silang nagmamahalan noong una.  Pinayuhan kong magpatawaran sila; subalit hindi na nalutas ang problema dahil nalulon sa droga ang lalaki.

Nakita ng aking sariling mga mata kung paanong wasakin ng utang ang buhay ng tao.  Para sa akin, ang utang ay hindi tunay sa solusyon sa prob-lema.  Ang utang ay palatandaang may problema ka sa pangangasiwa mo sa pera.  Hindi mo ma-afford ang lifestyle mo.  Masyado kang maluho.  Masyado kang naiinggit at gumagaya sa kapitbahay mo.  Gumagastos ka nang mas malaki kaysa sa iyong kinikita.  Magbago ka ng buhay.  Magbuhay matipid ka.  Ito ang tama.

Tandaan: Sa kaka­singko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.

Comments are closed.