(Part 2)
“AKO’Y naparito upang magkaroon sila ng buhay na may kasaganaan” (Juan 10:10). Ito ang pangalawang benepisyo natin kay Cristo. Ang una ay ang buhay na walang hanggan. Dahil layunin ng Diyos para sa atin ang kasaganaan, dapat tayong mamuhay nang matagumpay, hindi talunan. Ang mga taong nakabulid sa karalitaan at hindi makaahon mula roon ay talunan. Ang taong kumikita nang higit sa sapat at nakakapag-practice ng generous giving ay matagumpay. Ito ang mabuting kalooban ng Diyos para sa mga anak niya.
Paanong maaakit ng mga mananampalataya ang mga hindi mananampalataya kung sila ay mahirap pa sa daga? Baka sabihin ng mga ‘di mananampalataya, “Ano ba iyang Diyos ninyo? Ang hina-hina naman niya! Ginagawa niya kayong mahirap pa sa daga! Hindi niya kayang palayain kayo mula sa kahirapan? Baka hindi siya tunay na Diyos.” Tuloy, nahahamak ang pangalan ng Diyos. Dapat ipakita nating mga Kristiyano na mayroon tayong masaganang buhay gaya ng ipinangako ni Cristo. Dapat tayong maging ilaw ng sanlibutan.
Ang sabi ni Apostol Pablo, “Alam ninyo ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo, bagamat siya’y mayaman, subalit para sa inyo, siya ay naging mahirap, para sa pamamagitan ng kanyang kahirapan kayo’y maging mayaman” (2 Cor. 8:9). Kasama sa sakripisyo ni Cristo sa krus ng kalbaryo ang paalpasin tayo mula sa kahirapan. Binayaran na Niya ang ating mga utang. Pinalaya na Niya tayo. Huwag na tayong manatiling nasa bilangguan pa rin.
Ang aking hamon sa aking mga mambabasa – huwag kayong papayag na inaapi-api at sinasampal-sampal kayo ng Diyablo. Ayaw ng kalaban ng Diyos na maranasan ninyo ang mga benepisyo ninyo kay Cristo para masira ang kredibilidad ng ebanghelyo ni Cristo. Gusto ng kalaban na gawing matigas ang ulo ng mga tao.
Hindi dapat ganito. Dapat matutunan natin ang Biblical Financial Breakthrough. Dapat maging mabuting patotoo tayo ni Cristo. Sinabi ni Cristo, “Ako ay naparito upang wasakin ang gawa ng diyablo. (1 Juan 3:8). Ang layunin ng kaaway ay “magnakaw, pumatay at manira.” Ang pakay ng kaaway ay paghirapin ang mga tao, api-apihin sila, ilugmok sila sa kawalan ng pag-asa at lubos na karalitaan. Namumuhi siya sa sangkatauhan. Natutuwa siya kung nagdurusa ang tao. Subalit dumating si Jesus upang wasakin ang gawa ng kaaway. Pumanig tayo kay Cristo, hindi sa kaaway. Hanapin natin ang buhay na masagana, hindi ang buhay-api at nakalugmok.
Ang karamihan ng mga tao sa ngayon, hindi lang nila alam, ay nasa ilalim ng kaharian ng kadiliman. Nasa kapangyarihan sila ng kaaway. Kaya nga punom-puno ng mga pamahiin, maling kaisipan, at maling gawain ang maraming tao. Alipin sila ng mga bisyo, takot, masasamang hangarin, at maling pagsamba. Ang mga tunay na mananampalataya kay Cirsto ay pinalaya na mula sa kapangyarihan ng kaaway. Dumating si Cristo para wasakin ang mga maling paniniwala at gawain na nagpapahirap sa tao. Kaya, kung tunay na nagmamahal ka kay Cristo, ipakita mo na malaya ka na mula sa impluwensya ng kaaway. “Mas dakila Siya na nasa loob mo kaysa sa kanya na nasa sanlibutan.” (1 Juan 4:4). Si Cristo na nananahanan sa loob ng puso natin ay mas makapangyari-han kaysa sa kaaway ng Diyos na aali-aligid sa mundo. “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag pumasok na sa inyo ang Banal na Espiritu.” (Gawa 1:8) Gamitin natin ang kapangyarihang binigay sa atin. Palayasin natin ang nang-aapi sa atin. Iwaksi ang maling kaisipan. Tumakas sa bilangguan ng karalitaan. Maging mapagtagumpay. Maging wagi sa pangangasiwa ng lahat niyong kayamanan.
Maging matagumpay sa lahat ng bahagi ng inyong buhay. Pati sa pagmamahal mo sa iyong asawa, dapat makita sa iyo ang li-wanag. Ang babae ay minamahal, hindi sinasaktan. Tungkulin ng asawang lalaki na bigyan ng masaganang buhay ang kanyang asawa at mga anak. Maging matagumpay pati sa pag-aalaga ng iyong mga anak. Huwag mo silang palalaboy-labuyin dahil sa wa-lang makain. Huwag magpaparami ng anak kung hindi mo sila kayang bigyan ng masaganang buhay. “Ang sinumang hindi kuma-kalinga sa kanyang mga kamag-anak, lalo na sa mga kabilang sa kanyang pamilya, ay tumalikod na sa pananampalataya, at mas masama pa kaysa sa isang ‘di mananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Maging matagumpay sa iyong trabaho o hanapbuhay. Dapat makita sa iyo ang kasipagan. Ngayong tagasunod ka ni Cristo, dapat mawala mula sa iyo ang lahat ng bisyo na naninira sa iyong kalusugan. Dapat makita ang pagbabago sa iyong buhay. Kumbinsihin mo ang mga kabarkada mo na magbago na ng buhay. Kung ayaw nilang sumunod o maniwala sa iyo, iwanan mo sila at humanap ka ng ibang mga kaibigan. Piliin mong maging mga kaibigan ang mga may wastong pag-uugali at may maayos na pamumuhay.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.”
Comments are closed.