(Part 25)
ANG IPON ay binhi ng puhunan, binhi ng pagyaman. ‘Pag ang magsasaka ay walang binhi, wala siyang maitatanim. Kung wala siyang itinanim, wala siyang aanihin. Kung wala siyang aanihin, wala siyang kakanin, at wala siyang maipakakain sa kanyang mag-anak. At wala rin siyang maibebentang palay o bigas. Paano ngayon siya mabubuhay? Gayundin naman, kung ang isang tao ay walang ipon, wala siyang maipupuhunan na patutubuin at palalakihing pera. Kung wala siyang ipinuhunan, wala siyang tatanggaping tubo ng pera. Kung wala siyang kikitaing tubong pera, magtitiyaga siya sa kanyang maliit na suweldo. Magiging stagnant (walang kaunlaran) ang kanyang pamumuhay. At dahil sa inflation (lumiliit ang halaga ng pera paglipas ng panahon at patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin sa merkado), paliit nang paliit ang halaga ng kanyang pera, at pahirap siya nang pahirap.
Ang taong nag-iipon, hindi nababaon. Ang ipon ay kutson na sumasalo sa mga dagok ng buhay. Maraming mga hindi inaasahang gastusin ang dumarating sa buhay. May mga aksidenteng nangyayari. Hindi mo alam kung kailan magkakasakit ang iyong mahal sa buhay, kung may bagong gastusin sa paaralan ang iyong mga anak, kung kailan biglang bibisita ang mga kaibigan mo at dapat silang pakainin, kung kailan may biglang susulpot na pangangailangan sa pera. Kung wala kang ipon, at biglang dumating ang mga hindi inaasahang gastusin, ano ang mangyayari? Mapapautang ka. At ang utang ay nanganganak ng interes. Kaya ang mga matatalinong tao ay laging nag-iipon para matugunan ang anumang biglang dumarating na gastusin. Ang sabi nga ng mga Amerikano, “Save for a rainy day.” (Mag-ipon para sa maulang panahon). Ang sabi ni Haring Solomon, “Ang marunong ay may ipon; ang mangmang ay gumagastos nang lahat.” (Kawikaan 21:20)
Ang turo pa ng Bibliya ay, “Ang mga magulang ang dapat mag-impok para sa mga anak, at hindi ang mga anak para sa mga magulang.” (Tingnan sa 2 Corinto 12:14) Inaasahan ng Diyos na ang mga magulang ay nag-iipon para may maipamana sila sa kanilang mga anak. Sa gayon, hindi mananatiling mahirap ang kanilang saling-lahi. Magiging mga dakila ng bayan ang mga anak ng matuwid na tao. Siyempre, hindi lang pera ang dapat ipamana. Kalakip nito ay ang pagtuturo ng karunungang galing sa Diyos na makikita sa Banal na Kasulatan. Kung magbibigay ka ng kayamanan sa iyong mga anak, subalit hindi mo naman sila tinuruan ng karunungan, parang itinapon mo lang ang kayamanang ibinigay mo sa kanila. Kaya dapat, magkasama ang karunungan at kayamanan sa mana ng mga anak.
Para magkaroon ng ipon, iminumungkahi kong sundin ninyo ang “10:10:80 Formula.” Ang ibig sabihin nito ay ito: Pagdating ng inyong kita mula sa suweldo o negosyo, hatiin ninyo ito sa tatlong bahagi – 10%, 10%, 80%. Ang unang 10% ay para sa Diyos. Ibigay mo ito sa Diyos sa pamamagitan ng simbahang itinataas ang pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo. Ang pangako ng Diyos, bubuksan Niya ang durungawan ng langit at ibubuhos sa iyo ang maraming pagpapala. Ang pangalawang 10% ay para sa ipon. Bawat tanggap mo ng kita, magdagdag ka ng 10% sa ipon para lumaki nang lumaki ito. ‘Pag malaki na, ilagay mo ang ipon mo sa matatalino at ligtas na puhunan o negosyo. Paaanakin mo ang ipon mo sa pamamagitan ng mga pamumuhunan sa negosyo. Ang natitirang 80% ng iyong kita ay para sa iyong samu’t saring pangangailangan tulad ng pagkain, pananamit, pabahay, transportasyon, koryente, tubig, atbp.
Ano ang mangyayari sa pera mo kapag ginastos mo? Siyempre, magiging zero. Magiging wala. Gusto mo bang maging zero ang buhay mo? Kung ayaw mo, e ‘di huwag mong gagastusin lahat ang iyong kita. Ang gagastusin mo ay 80% lang ng iyong kita. Matuto kang mamaluktot para ang pamumuhay mo ay magkasya sa 80% ng iyong kita. Kung maigsi ang kumot, matutong mamaluktot. Kung hindi ka mamamaluktot, malamang na nanakawin mo ang para sa Diyos o ang para sa ipon. ‘Pag ninakaw mo ang para sa Diyos, magkakaroon ng sumpa o ‘mangangain’ sa iyong buhay. Magkakaroon ka ng maraming problema sa kinabukasan. ‘Pag nagbigay ka sa Diyos, pagpapalain ka Niya. Palalakihin Niya ang iyong kita. Sa simula, maliit muna ang iyong kita. Pagdating ng pagpapala at kita sa puhunan, lalaki ang iyong kita, at luluwag ang iyong pamumuhay. ‘Pag napakaluwag na ng iyong pamumuhay, sana ay palakihin mo rin ang ibibigay sa Diyos at ilalagay sa ipon. Hindi lang sana 10%. Gawin mong 15% ang para sa Diyos, at 15% ang para sa ipon. Mas lalo kang pagpapalain at payayamanin. Hindi ang suweldo ang nagpapayaman sa iyo, kundi ang ipong nanganganak nang husto.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.