(Part 27)
ANG TURO ni Jesus, “Kung pilitin ka ng isang kawal na pasanin ang kanyang dala ng isang milya, pasanin mo iyon ng dalawang milya.” (Mateo 5:41) Itinuturo sa atin ng Panginoon na dapat ay maghatid tayo ng serbisyong sobra-sobra sa inaasahan ng mga tao. Ang resulta ay masayang-masaya sila sa atin at tayo ay magiging excellent (napakahusay) sa paningin nila. At malamang na babalikan nila tayo ng pagpapala. Kung magseserbisyo tayong mga Kristiyano, hindi lang dapat todo-bigay, dapat ay higit pa sa inaasahan.
Ganoon din sa pagbibigay. Dapat ay todo-bigay tayo at sobra pa sa inaasahan. Grabe ang pagpapalang ibibigay sa atin ng Panginoon. Kung kutsa-kutsarita ka magbigay sa Diyos, kutsa-kutsarita rin ang pagpapala mo. Kung pala-pala ang pagbibigay mo, pala-pala rin ang pagpapala mo. Kung bulldo-bulldozer ka kung magbigay, bulldo-bulldozer din ang biyaya niya para sa iyo. Kaya ang sabi ng Panginoon, “Magbigay kayo at kayo’y bibigyan din; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo.” (Lucas 6:38)
Ang pagbibigay ng ikapu (tithe) ng iyong kita ay pinakapayak (basic) na pagbibigay. Isipin mong magka-partner kayo ng Diyos sa negosyo. Siya ang Senior Partner at ikaw ang kanyang Junior Partner. Subalit sa hatian ng kita, ang hinihingi lang ng Senior Partner mo ay 10%; sa iyo na Junior Partner ang 90%. Hindi ba napakagalante ng Senior Partner mo? Siya talaga ang amo, subalit mas malaki ang bahagi mo. Tapos ay ipagka-kait mo pa ba ang 10% sa kanya?
Ang ikapu ay hindi pa talaga matatawag na pagbibigay. Iyon ay obligasyon mo sa Diyos. Katunayan, sa kanya ang lahat-lahat. Subalit ang inaasahan lang niya sa iyo ay ikapu. Ang pag-iikapu ay hindi para sa benepisyo ng Diyos; hindi niya kailangan ang pera mo. Para sa benepisyo mo iyon dahil gusto ka Niyang pagpalain. Ang pangako ng Diyos ay bubuksan niya ang bintana ng langit at ibubuhos sa iyo ang napakaraming pagpapala kung ibibigay mo ang ikapu. Kaya iniuutos ng Diyos ang pag-iikapu ay para sa pagpapala natin. Kailangan nating gumamit ng kaunting pananampalataya. Nalulugod ang Diyos sa pananampalataya. Ang problema ay napakaliit ng pananampalataya ng marami. Pinagdududahan nilang hindi gagawin ng Diyos ang kanyang ipinangako. Iniinsulto nila ang Diyos sa kawalan nila ng pananampalataya.
Bukod sa ikapu, may mas mataas na pagbibigay. Ang tawag dito ay ‘generous giving’ o maluwag na pagbibigay. Ito ay pagbibigay nang lampas sa ikapu ng iyong kita. Ang mga Judio ay nagbibigay ng ikapu; ito ang isa sa katuwiran nila. Subalit sinabi ni Jesus na ang katuwiran nating mga Kristyano ay dapat mas mataas kaysa sa katuwiran ng mga Judio. (Mateo 5:20) Ang mga Judio ay iniligtas ng Diyos mula sa pagkaalipin sa Ehipto ay dinala sa ipinangakong lupa; subalit ang mga Kristiyano ay iniligtas ng Diyos mula sa walang hanggang pagdurusa sa impiyerno at binigyan ng buhay na walang hanggan sa kalangitan sa presensiya ng Diyos Ama. Tanong: ano ang mas dakilang kaligtasan – ang kaligtasang ginawa para sa mga Judio o ang kaligtasang ginawa ni Jesus para sa mga Kristiyano? Mas dakila ang sa mga Kristyano! Kaya dapat lamang na mas malaki ang utang na loob natin. Dapat lang na mas malaki ang pagbibigay natin sa Diyos.
Ang turo ni Apostol Pablo, “Ang naghahasik nang kaunti ay aani nang kaunti; ang naghahasik nang marami ay aani nang marami.” (1 Corinto 9:6) Ang turo ni Jesus, “Ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo.” (Lucas 6:38) Ang ikapu ay pagbibigay ng mga pipitsuging Kristyano. Ang hindi nagbibigay ng ikapu ay sinasabing nagnanakaw sa Diyos (tingnan ang Malakias 3:8-9). Ang resulta ng galanteng pagbibigay (higit sa 10%) ay payayamanin ka sa lahat ng bagay para lalo ka pang makapagbigay (tingnan ang 1 Corinto 9:11). Tinatawag din ang galanteng pagbibigay na ‘second mile giving’ o pagbibigay ng ikalawang milya.
May tatlong klase ng ikalawang milyang pagbibigay. Una, pagbibigay ng higit sa 10% ng iyong kita. Pangalawa, ito ay maaari ring pagbibigay ng ikapu bago pa kumita; pinauuna mo na ang pag-iikapu kahit wala pa iyong kita. At pangatlo, ito ay pagbibigay ng unang bunga. Ang unang bunga ay iyong pag nagkaroon ka ng bagong trabaho, ang suweldo ng unang buwan ay ibibigay mong lahat sa Diyos. Nang ako ay magkaroon ng unang international project, ibinigay ko ang 100% ng kita sa Diyos. Ang resulta nito, nanganak ito ng mahigit 50 ibang international projects. Hindi mo malalampasan ang pagkagalante ng Diyos.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.